Nu'ng X'mas at New Year… ROBIN, 'DI KASAMA NI MARIEL AT NG MGA ANAK
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | January 08, 2022

Kahit malungkot ang puso ni Mariel Rodriguez noong Pasko at Bagong Taon dahil hindi nila kapiling ang asawang si Robin Padilla na nasa Mindanao para tumulong sa mga biktima ng bagyong Odette ay kinailangang magpakitang okay ang mama nina Isabela at Gabriela lalo’t may mga bisita sila sa bahay para ipagdiwang ang New Year’s eve.
Base sa kuwento ni Mariel sa kanyang vlog ay inakala niya na makakasama niya nu'ng New Year’s eve si Robin dahil nagsabing baka makakuha ng flight 'pag magpapa-rebook, pero hindi nangyari.
“This is again, hindi ko masabing sad. So as you guys know that we were not able to spend Christmas together dahil umuwi siya ng 29 (December), umalis din siya ng 30.
“Sobra akong na-sad kasi sinabi niya (Binoe), bukas (January 1) pa siya uuwi. Kaya ‘yung casting nu’ng Pasko, ‘yun din ang casting nu’ng New Year, ha, ha, ha, ha!” tumawang sabi ni Mariel.
Natapos na ang Media Noche ay saka nakapag-usap sina Mariel at Robin sa pamamagitan ng video call at dinig na dinig ang lakas ng ulan at nasa loob ng kuwarto niya ang aktor na walang ilaw na ang tanging gamit ay ang liwanag ng cellphone.
Nabanggit pa na noong pabalik na ng kampo sina Robin ay zero visibility dahil puro fog ang dinadaanan nila.
Sabi ni Mariel sa asawa, “Kami ngayon ay LDR, long distance relationship.”
Hindi pa alam ni Binoe ang ibig sabihin ng LDR kaya sinabi ng asawa ang meaning nito at napahagalpak nang tawa sabay sabi ni Robin, “OFW ako, eh.”
Kuwento pa ni Mariel tungkol sa schedule ng asawa, “Heto, hindi pa nakakauwi, may next schedule naman, Palawan naman daw. Sabi ko, itutuluy-tuloy ko na ang pagiging single mom ko! (tawang-tawa naman sa kanya si Robin).
“Mukha namang happy ka na single mom ka, eh,” birong sabi nito.
“Happy daw ako as single mom, hayan, oh (sabay pakita ng wine bottle), ubos na nga ‘yung bote, oh,” tumawang sagot ni Mariel.
Samantala, maganda naman ang gising ni Mrs. Padilla kinaumagahan dahil, “Today is 2022, the very first day and guess what, 'andito si Sir (Robin), umabot siya sandali just for January 1 he, he, he, he.”
Nakikipaglaro si Robin sa mga anak nilang sina Isabela at Gabriela na kinukunan ng video ni Mariel at kuwento niya na laging ganu’n ang asawa na kapag umuuwi ay naglalaan talaga ng oras para maka-bonding ang mga anak.
“Nag-aagawan pa ‘yung dalawa sa atensiyon ng papa nila, 'yan ang ganap,” saad ni Mariel.





Comments