Novi Sad, Liman at Riga, walang talo sa FIBA 3X3 World Tour Finals

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 20, 2020

Walang nakapigil sa pagmartsa ng mga paborito patungo sa playoff round ng 2020 FIBA 3X3 World Tour Finals sa Jeddah Corniche noong Sabado ng umaga, oras sa Pilipinas. Kahit nangapa noong una, nakabawi agad ang defending champion Novi Sad at Liman ng Serbia at Riga ng Latvia upang walisin ang kanilang mga grupo sa parehong kartadang 2-0 panalo-talo.
Naramdaman ng Novi Sad ang hindi paglahok ng numero unong manlalaro sa mundo na si Dusan Bulut at nahirapan muna bago talunin ang Lausanne Katapult ng Switzerland, 19-16, sa Grupo B. Pumasok ang mga kampeon sa quarterfinals matapos biguin ang Amsterdam ng Netherlands, 17-13, sa likod ng 12 puntos ni Tamas Ivosev para sundan ang kanyang 11 puntos kontra sa mga Swisso.
Binuksan ng Liman ang torneo sa pagtumba sa Ulaanbaatar MMC Energy ng Mongolia, 20-16, salamat sa pitong puntos ni Mihailo Vasic. Muntikan naman sila sa mga kababayan nilang Ub, 20-19, matapos ipasok ni Stefan Kojic ang nagpapanalong buslo na may 21 segundo sa orasan.
Kinailangan ng Riga ang overtime para talunin ang Jeddah, 21-20, kung saan nagpasabog ng 10 puntos si Nauris Miezis kasama ang nagpapanalong puntos sa overtime. Mahigpit din ang panalo ng mga Latvian kontra Piran ng Slovenia, 18-16, kung saan napasok nina Edgars Crumins at Agnis Cavars ang mga mahahalagang puntos sa huling minuto.
Samantala, nagulantang ang Grupo D matapos talunin ng #12 Utena Uniclub ng Lithuania ang #4 New York Harlem ng Estados Unidos, 21-16. Bumawi ang mga Amerikano at pinadapa ang isa pang koponang Lithuanian ang Sakiai Gulbele sa overtime, 21-19, at nakahinga ng malalim dahil nagwagi ang Utena sa Sakiai, 21-14, sa huling laban ng unang araw upang ibitbit din sila papasok ng quarterfinals na nagsimula na kagabi at matatapos ngayong Linggo ng umaga.
Haharapin ng Novi Sad ang New York Harlem habang Riga ang makakatapat ng Ub. Sa kabilang banda, tampok ang laro ng Liman at Jeddah at susubukan ng Utena ang Amsterdam. Ang kampeon ay tatanggap ng gantimpalang $60,000 (P2.885 milyon). Malalaman din ang mga magiging kampeon sa Two-Point Shootout at Slam Dunk Contest.





Comments