‘No impeachment’ kapag nanaig sa Senado, parang sinabihan ang mga pro-impeachment na ‘maghabol kayo sa tambol mayor’
- BULGAR

- Jun 9, 2025
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 9, 2025

HIRIT NI SP ESCUDERO, MAG-FILE NA LANG NG PETISYON SA SC ANG MGA PRO-IMPEACHMENT KAPAG NA-KILL NG SENADO ANG IMPEACHMENT KAY VP SARA -- Sa kabila ng mga tinatanggap na batikos ay nanindigan si Senate Pres. Chiz Escudero na dadaanin sa botohan ng mga senador sa plenaryo sa 20th Congress kung nararapat o hindi na dinggin ng Senado ang mga impeachment complaints laban kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, at kapag nanaig ang mga anti-impeachment senators ay iki-kill na ng Senado ang mga impeachment cases sa bise presidente, at iyong mga kukuwestiyon dito ay magsampa na lang daw ng petisyon sa Supreme Court.
Kumbaga, parang sinabihan na rin ni SP Escudero ang mga mamamayan na pro-impeachment nang “maghabol kayo sa tambol mayor”, boom!
XXX
12 NA ANG PABOR SA IMPEACHMENT TRIAL, ISA NA LANG TULOY NA ANG PAGLILITIS KAY VP SARA SA IMPEACHMENT COURT -- Noong May 30, 2025 ay may ganito palang statement si Sen. Jinggoy Estrada: “Senate will not abandon it’s Constitutional duty” na patungkol ito sa impeachment trial kay VP Sara.
Kung ganu’n ay 12 senador na pala sa 20th Congress ang posibleng bumoto sa plenaryo na ituloy ang impeachment trial kay VP Sara, at sila ay sina Senators Estrada, Alan Cayetano, Pia Cayetano, Sherwin Gatchalian, JV Ejercito, Risa Hontiveros, Raffy Tulfo, incoming Senators Tito Sotto, Ping Lacson, Bam Aquino, Kiko Pangilinan at Erwin Tulfo.
Kailangan ay 13 senador ang bumoto sa plenaryo na pabor sila na ituloy sa 20th Congress ang impeachment trial kay VP Sara, eh 12 na iyang pabor, kaya’t isang senador na lang ang mag-yes ay wala nang atrasan, tuloy na ang gagawing paglilitis sa bise presidente sa Senado na siyang tatayong impeachment court, abangan!
XXX
VLOGGERS MOCHA USON AT ROSMAR PAMULAKLAKIN, HINDI IBINOTO NG MILYUN-MILYON NILANG FOLLOWERS SA SOCIAL MEDIA KAYA PAREHONG TALO SA HALALAN -- Ang pagiging sikat na vlogger ay hindi pala puwedeng gawing puhunan sa pulitika para magwagi sa eleksyon.
Halimbawa ay ang mga vlogger na sina Mocha Uson at Rosmar Pamulaklakin na parehong may milyun-milyong followers sa social media.
Pareho silang kumandidato sa pagka-konsehal ng Maynila, at pareho silang talo, kasi para manalo at pumasok sa top 6, need na makakuha ng 45,000 votes, si Mocha ay rank 10 sa botong 31,103 at si Rosmar naman ay rank 25 na may boto lang na 2,867.
Kaya sa mga sikat na vlogger, huwag nang kumandidato sa 2028 election dahil hindi naman pala kayo ibinoboto ng mga followers n’yo, boom!
XXX
KAPAG NAGKATOTOO ANG ‘5-MINUTONG RESPONDE’ AT KUMANDIDATO SA ELEKSYON, MANANALONG SENADOR SI GEN. TORRE -- Ang utos ni PNP Chief Gen. Nicolas Torre sa mga kapulisan ay dapat sa loob ng 5 minuto ay makapagresponde sa anumang krimen na itatawag ng mamamayan sa 911 hotline.
Kapag nagkatotoo iyang 5-minutong responde ni Gen. Torre, aba magandang puhunan na niya ‘yan kapag nagretiro siya at pumalaot sa pulitika sa 2028 election, kasi sure win siya sa pagka-senador, abangan!







Comments