top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

New variant nasa 'Pinas na, 10 hanggang 65-anyos, ligtas ba na lumabas?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 25, 2021
  • 3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | January 25, 2021



Nakakatuwa ang patuloy na pagsisikap ng ating pamahalaan na mapabilis ang pagbangon ng nakalugmok nating ekonomiya na ilang panahon nang sinalanta ng pandemyang ating nararanasan.


Lalo pa at nararamdaman na ang unti-unti nating pagbangon dahil sa muli nang nagbubukas ang mga negosyo at nagbabalik na ang mga sasakyan sa mga lansangan na matagal nawala dahil sa pinaiiral na community quarantine.


Ang pinakahuli nga ay ang pagpayag na ng pamahalaan sa may edad 10 hanggang 65-anyos na nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ) na makalabas na simula sa darating na Pebrero.


Ito ay mula sa dating kautusan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-EID) na 15 hanggang 65-anyos lamang ang maaaring lumabas ng bahay.


Ngunit dahil sa proposal ng pamunuan ng ating Department of Trade Industry (DTI) na payagan na ang mga bata para umano makapag-shopping naman at makakain sa labas kasama ang kanilang mga magulang basta mahigpit lamang na susundin ang umiiral na health protocol.


Kaso medyo nasamid tayo ng kaunti sa iniinom nating kape nang mabasa ko ang ulat ng Department Of Health (DOH) noong nakaraang Biyernes ng gabi na nasa bansa na umano ang bagong United Kingdom (UK) COVID-19 variant.


Nasa 17 katao na umano ang positibo rito kabilang na ang 12 kaso sa Mountain Province na binubuo ng 7 lalaki, 5 babae, mga batang may edad 5, 10, 18 at tatlo pa na pawang mga 60-anyos pataas.


Ang UK variant na mas kilala sa B117 ay unang natukoy sa UK ay unti-unti nang kumakalat sa bansa dahil may naitala na rin tayong kaso sa Laguna at Benguet na labis na nakababahala.


Sa ngayon ay wala pang ulat ang DOH kung gaano kabilis makahawa ang bagong variant na ito maliban sa sampung ulit umano itong mabilis na makahawa kumpara sa dating COVID-19 na pumatay ng may 10,000 nating kababayan.


Kaya medyo nag-aalala tayo dahil sa pagpayag ng pamahalaan na lumabas na ang mga bata, samantalang tatlong bata sa Mountain Province ang kasalukuyang positibo sa bagong variant.


Kung sa Mountain Province na higit na mas sariwa ang hangin ay nahawa ang mga bata ay tila mas delikado ang sitwasyon ng ating mga bata sa Metro Manila at iba pang karatig lalawigan na sala-salabat na ang mga tao.


Hindi natin sinasabing huwag nang ituloy ang pagpayag sa mga bata na lumabas dahil alam nating may mga pag-aaral namang kayong isinasaalang-alang ngunit sana lang ay ikonsidera natin ang pangyayaring ito sa Mountain Province.


Kung sakaling matuloy ang pagpayag na lumabas ang mga bata ay natitiyak nating gagabayan ng mga magulang ang kani-kanilang mga anak na sundin ang umiiral na health protocol kaya lang marami pa rin ang namamasyal sa mga shopping mall ang pasaway.


Marami sa ating kababayan maging bata o matanda ang isinusuot lamang ang face shield kapag papasok ng mall pero kapag nakapasok na ay inilalagay na ito sa ulo at kapag sinita ng guwardiya ay galit pa.


Kapansin-pansin din ang mga nakatambay sa foodcourt na may distansiya nga ang mga lamesa ngunit wala silang suot na facemask at face shield dahil hindi sila masita ng guwardiya dahil ang katuwiran nila ay kumakain sila.


Ngunit marami sa mga ito ay magbabarkada na ilang oras nang tapos kumain ngunit hindi pa rin tumatayo dahil ito lamang ang lugar na maaari silang magtagal ng walang suot na facemask at face shield.


Hindi nila naiisip na kung ang Mountain Province ay nalusutan ng UK variant, ang mga shopping mall pa kaya ang hindi, na mga guwardiya lamang ang nagbabantay?


Kaya kung ako sa mga magulang ay pag-aralan nilang mabuti ang lugar na kanilang pupuntahan kasama ang mga bata kung ligtas dahil hanggang ngayon ay wala pa ring gamot laban sa COVID-19 sa ating bansa. Hanggang ngayon!


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page