Netizens, todo-sawsaw… SAMPALAN NINA CHARO AT MERCEDES, NAKA-500 K VIEWS
ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | June 29, 2024

Panibagong all-time high record ang naitala ng FPJ’s Batang Quiapo matapos umabot sa higit kalahating milyon o 502,556 views ang sabay-sabay na nanood sa Kapamilya Online Live ng komprontasyon nina Tindeng at Lena (Charo Santos at Mercedes Cabral) sa episode nu’ng Miyerkules (Hunyo 26).
Patok na patok sa mga netizens at trending sa social media ang pinakainaabangang pagtatapat nila kung saan kaliwa’t kanan na sampal ang inabot ni Lena mula kay Tindeng.
Anila, “Deserve na deserve” ni Lena ang nangyari sa kanya lalo na’t reyna ang tingin niya sa sarili niya kahit kabit lang naman siya ni Rigor (John Estrada).
Sa social media, kalat na ang iba’t ibang videos at posts ng mga nakakaaliw na reaksiyon ng mga netizens sa pasabog na eksena.
“Speechless, grabe. One of the most intense confrontations ever. Ms. Charo, you are timeless, and such an inspiring actor that everyone could look up to! Kudos to Lena, napakagaling din,” komento ng netizen na si @justinemoreno9146 sa YouTube.
“Sobrang satisfying ng ilang araw na paghihintay sa epic na sabunutan at sampalan nina Lena at Tindeng, lalo na ‘yung limitless na sampal ni Charo kay Mercedes at pagkaladkad habang sinasabunutan!” post naman ni @Carlosmiguel652 sa X.
Sa pagpapatuloy ng kuwento ng FPJ’s Batang Quiapo, muling magkakagulo sa bahay ni Rigor kapag nalaman na nilang lahat ang nangyaring pag-iiskandalo sa pagitan nina Tindeng at Lena.
Samantala, iba naman ang pagkakaabalahan ni Tanggol (Coco Martin) dahil nangako siya kay Bubbles (Ivana Alawi) na gagantihan niya si Pablo (Elijah Canlas) matapos nitong bastusin ang dalaga.





Comments