Near poor at 4Ps beneficiaries, bibigyan ng dagdag-suporta
- BULGAR

- 4 hours ago
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | April 16, 2026

Nitong nakaraang Lunes, nagsagawa muli ng pagdinig ang Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee, kung saan tinalakay natin ang mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan upang protektahan ang ating mga kababayan mula sa pinsalang dulot ng krisis sa Gitnang Silangan.
Isa sa mga iminungkahi natin sa nakaraang pagdinig ang pagpapamahagi ng P2,500 ayuda para sa mga pamilyang ‘near-poor.’ Iminumungkahi din nating magbigay ng P1,500 sa ating mga benepisyaryo sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Iminumungkahi natin ang mga polisiyang ito upang protektahan ang mga kababayan nating umaaray dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihIn. Noong nakaraang buwan, matatandaang umabot sa 4.1% ang headline inflation sa buong bansa. Tuwing tumataas ang presyo ng bilihin, mas nararamdaman ito ng mga kababayan nating nangangailangan, lalo na ang mga itinuturing na bahagi ng bottom 30%.
Para sa 30% ng mga kababayan nating higit na nangangailangan, umabot sa 4.23% ang naranasan nilang inflation nitong Marso. Kung ating susuriin, ang mga pangunahing dahilan nito ay ang pagtaas ng presyo ng pagkain at ng mga utilities kagaya ng tubig at kuryente. Ngunit ang pangunahing sanhi ay ang transportasyon dahil sa pagtaas ng presyo ng langis.
Isa rin sa mga nagiging epekto ng inflation ang pagbaba ng purchasing power ng ating mga kababayan. Para sa ating mga poor households na umaabot sa halos tatlong milyong sambahayan, P638 hanggang P762 ang mawawala sa kanila buwan-buwan sa sitwasyong umabot sa 4.6% hanggang 5.5% ang inflation. Batay ito sa pag-aaral na ginawa ng Senate Economic Planning Office.
Sa mga ‘near-poor’ naman, lumalabas na P638 hanggang P1,526 ang mawawala sa kanila kasunod ng pagbaba ng kanilang purchasing power.
Isinusulong natin ang pagbibigay ng ayuda sa mga poor at ‘near-poor’ households upang mapunan ang pagbaba ng kanilang purchasing power. Mahalagang tulungan natin ang mga kababayan nating nasa ilalim ng kategoryang “near-poor” upang hindi na sila mapasama sa mga tinaguriang pinakamahihirap na pamilya.
Habang ipinapanalangin natin ang tuluyang pagwawakas ng krisis sa Gitnang Silangan, patuloy naman nating pagsisikapan ang pagbibigay ng suporta sa ating mga kababayang nangangailangan ng tulong dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Makakaasa ang ating mga kababayan na patuloy na isusulong ng PROTECT Committee ang mga polisiya at programa upang tulungan ang ating mga kababayang makabangon mula sa krisis na ating kinakaharap.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com




Comments