NCAP lang pala ang katapat ng mga ‘kamote rider’
- BULGAR
- Jun 3
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 3, 2025

HINDI DAPAT MAGSAYA SA PAGSUSPINDE NI PBBM SA EDSA REHAB, AFTER ONE MONTH, DUSA NA DAHIL IPAIIRAL NA ANG ODD-EVEN SCHEME SA EDSA -- Hindi dapat magsaya ang publiko, lalo na ang mga motorista sa pagsuspinde ni Pres. Bongbong Marcos, Jr. (PBBM) sa implementasyon ng EDSA rehabilitation.
Mismong si PBBM na kasi ang nagsabi na isang buwan lang ang suspensyon para mapag-aralan pa ang pag-rebuild sa EDSA. At after ng one month ay asahan nang tuloy na ang EDSA rehab, dusa ang aabutin ng mga motorista sa ipaiiral na odd-even scheme sa color coding ng mga sasakyang dadaan sa EDSA, boom!
XXX
NCAP LANG PALA ANG MAGPAPADISIPLINA SA MGA ‘KAMOTE RIDER’ -- May magandang naidulot din pala ang pagbabalik ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa lansangan sa Metro Manila.
Wala na kasing nababalitang “kamote rider” na naaaksidente sa mga kalsada sa Metro Manila. Talagang hindi na sila nagpapalipat-lipat ng linya, sa kalsadang pang-motorsiklo na lang sila nagsisiksikang dumaan kasi nga takot silang pagmultahin kapag pabara-bara silang nag-o-overtake sa ibang sasakyan.
‘Ika nga, NCAP lang pala ang katapat para magkaroon ng disiplina sa kalsada ang mga tinaguriang “kamote rider,” period!
XXX
KAPAG NA-DENY ANG HIRIT NI ROQUE NA ASYLUM, TIYAK BIBITBITIN SIYA NI GEN. TORRE PABALIK SA ‘PINAS -- Sinabi ni newly appointed PNP Chief Gen. Nicolas Torre na ang isa raw sa kanyang prayoridad ay dakpin si former presidential spokesman Harry Roque na nahaharap sa kasong no bail na qualified trafficking in person na sa kasalukuyan ay nasa The Netherlands.
Kaya kapag ang hinihirit ni Roque na asylum sa The Netherlands ay nabasura, asahan na niyang pupuntahan siya ni Gen. Torre sa bansang ito (The Netherlands) para bitbitin pabalik ng Pilipinas upang ikulong, abangan!
XXX
HIRIT NG KABATAAN PARTYLIST, IMBESTIGAHAN DIN ANG IMBENTONG ‘PORK BARREL PROJECTS’ NG MGA SEN. AT CONG. -- Dahil sa nabulgar na mga imbentong pangalan na beneficiaries sa mga confidential funds ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, nais ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel na imbestigahan din ang mga pork barrel ng mga senador at kongresista kasi baka raw sa mga imbentong proyekto rin napunta ang pork barrel funds ng mga kapwa niya lawmakers.
Sana nga matuloy ang imbestigasyon na ‘yan sa Kamara para mahubaran ng maskara ang mga sen. at cong. na may mga imbentong “pork barrel projects,” boom!
Comments