NBA 2nd season opening: 30 teams, magsasagupa
- BULGAR

- Dec 22, 2020
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 22, 2020

Magbubukas ngayong Disyembre 22 (Disyembre 23 sa Pilipinas) ang bagong taon ng National Basketball Association (NBA). Maglalaro na muli ang 30 koponan sa kanilang mga tahanan matapos ang matagumpay na bubble kung subalit hindi lang iyan ang pagbabago na handog ng liga.
Dalawang nakakaintrigang laro ang handog ng liga kung saan sisimulan nina Lebron James at Los Angeles Lakers ang depensa ng kanilang korona kontra sa bisitang Los Angeles Clippers. Bago noon, dadalaw ang Golden State Warriors sa Brooklyn Nets upang harapin ang dating kakampi Kevin Durant na maglalaro matapos magpagaling ng pilay sa buong 2019-2020.
Sa ngayon, 24 sa 30 koponan ay nagpasyang huwag muna papasukin ang mga tagahanga. Tanging ang Cleveland Cavaliers, Houston Rockets, New Orleans Pelicans, Orlando Magic, Utah Jazz at ang Toronto Raptors ang limitadong bubuksan sa publiko.
Pagdating sa Raptors, pansamantalang gagawin nilang tahanan ang Tampa, Florida. Bunga ito ng kautusan ng pamahalaan ng Canada na higpitan ang paglakbay labas-pasok sa bansa.
Mula sa dating 82 laro, mas maikli ang kampanya ngayong taon at 72 beses na lang maglalaro ang lahat. Haharapin ng isang koponan ang mga kasama sa kanilang conference ng tatlong beses habang dalawang beses sila magkikita sa mga taga-kabilang conference.
Kalahati lang ng kalendaryo ang inilabas ng NBA upang may mga reserbang araw sakaling may mga larong biglang ipagpaliban. Ang balanse ay ihahayag sa Marso kasabay ng dapat ay panahon ng taunang All-Star Game subalit hindi magkakaroon ng nasabing laro sa 2021.
Ang Indiana Pacers ang magsisilbi sanang punong abala. Bilang konswelo, babalik ang All-Star sa Indianapolis sa 2024 matapos ang Cleveland sa 2022 at Salt Lake City sa 2023.
Matatapos ang regular season sa Mayo at susundan agad ng playoffs na may bagong patakaran kung saan paglalabanan ng #7, #8, #9 at #10 sa bawat conference ang huling dalawang pwesto. Magiging #7 ang mananalo sa laban ng 7-8 at ang matatalo ay lalaruin ang mananalo sa 9-10 para matukoy ang #8.
Nakatakdang matapos ang NBA regular season sa Mayo. Malaking bagay sa pagbalangkas ng kalendaryo ay upang mabigyan ng pagkakataon ang mga bituin ng liga na makalaro para sa kanilang mga bansa sa 2020 Tokyo Olympics na magbubukas ng Hulyo 23, 2021.
Subalit alanganin ang ilang mga manlalaro na papasok ang koponan sa playoffs. Kung sasagarin, kokoranahan ang kampeon sa Hulyo 22 o bisperas ng pagbubukas ng Olympiada.




Comments