Kinatay na sa PBA ang Macau Giant Pandas

ni Anthony Servinio @Sports | October 15, 2026

Photo: Wala nang kasiguruhan kung iimbitahin pang maglaro ng PBA ang team ng Macau Giant Pandas. (pbapix)
Nabilang na ang mga araw ng Macau Giant Pandas sa PBA. Kung titingnan ang ipinapakita ng bisitang koponan sa kanilang mga nakaraang laro, marahil ito na ang huling pagkakataon na masisilayan sila sa liga.
Noong Martes ay giniba sila ng defending champion TNT Tropang 5G, 142-87. Mula nang bumalik ang PBA pagkatapos ng Asian Games ay natalo rin ang Macau sa NLEX Road Warriors, 78-138, at Terrafirma Dyip, 127-146.
Wala na rin sa listahan ng Pandas ang ilan sa pangunahing manlalaro at dumarating na 9 o 10 lang sila. Pati si Coach Marcus Elliott ay hindi na nagpakita at hinawakan ang koponan ng Filipino assistant Raymond Tiongco.
Habang nakapahinga ang PBA at naglipatan sa ibang koponan sa ibang liga ang mga bituin ng Macau. Nagbago rin sila ng import na si Oscar Lopez.
Nagpahayag si Commissioner Willy Marcial na hindi na iimbitahin ang Pandas. Matapos nilang maglaro sa Commissioner's Cup ay humingi ng pangalawang pagkakataon ang koponan sa Governors Cup sabay pangako na magpapalakas sila.
May mga senyales bago niyan. Ilang araw bago ang laro ng Macau sa TNT ay inutos ni Commissioner Marcial na ilipat ito sa 5:15 mula sa orihinal na 7:30.
Nagtala ang noon ay Macau Black Knights ng kartadang 3-9 sa Commissioner's. Kasalukuyang 2-9 ang Pandas papasok sa kanilang maaaring huling laro sa PBA ngayong Biyernes kontra Converge FiberXers.





Comments