Natuklasan ng utol nang mamatay ang labs mo, Mygz… BANKBOOK NI MAHAL, NASAID!
- BULGAR
- Nov 2, 2021
- 2 min read
ni Erlinda Rapadas - @Teka Nga! | November 2, 2021

Matatahimik kaya ang kaluluwa ng komedyanang si Mahal (Noemi Tesorero in real life) sa mga isyu ngayon sa kanyang pamilya, kay Mygz Molino at sa iba pang naging bahagi ng kanyang buhay?
Kamakailan lang ay may vlog na ginawa ang kapatid ni Mahal na si Jason Tesorero. Dito siya naglabas ng mga sama ng loob dahil hindi na nila kinakaya ang mga akusasyon at pamba-bash sa kanilang pamilya.
May ilang bashers at fans ni Mahal ang nagsasabing pinabayaan daw ng mga kapatid ang munting komedyana kaya napunta kung kani-kanino ang pangangalaga kay Mahal.
Mas appreciated daw ng mga fans ang ginawang pag-aalaga ni Mygz Molino kay Mahal.
Sa mga vlogs na ginawa nina Mygz at Mahal, nakita ng lahat kung gaano kasaya ang petite comedienne. Patunay lang na minahal siya nang totoo ni Mygz.
Depensa naman ng mga kapatid ni Mahal, iba ang level ng pagmamahal na ibinigay nila sa kanilang kapatid. Hindi ito maikukumpara sa pagmamahal ni Mygz na karelasyon ni Mahal.
Sariling kagustuhan daw ni Mahal na kay Mygz sumama at manirahan sa Batangas.
Nasa tamang edad na ang komedyana na may sariling desisyon sa mga personal na bagay, lalo na sa kanyang love life.
Samantala, pinuna rin ni Jason Tesorero na nang mamatay si Mahal ay kung sinu-sino na lang ang gumagamit sa kanyang kapatid sa mga vlogs kahit hindi direktang kamag-anak nila. Patay na nga si Mahal ay ayaw pang bigyan ng katahimikan.
Ikinalulungkot din ng pamilya ni Mahal ang natuklasan nila na sa tagal na ng komedyana sa showbiz ay walang naipon at walang laman ang bankbook nito? Wala raw malinaw na talaan kung saan-saan napunta ang kinita ni Mahal?
Ang alam ng pamilya, hanggang abroad ay nagso-show noon si Mahal.
Hindi sa naghahabol ang kapatid ni Mahal na si Jason sa mga naiwang kabuhayan ng kapatid kung meron man. Nagtataka lang siya kung bakit nasaid ang bankbook ni Mahal bago siya namatay?
Well, sana ay matuldukan na ang isyung ito kay Mahal. Mag-move on na ang mga tagahanga ng MaMygz tandem. Ipagdasal na lang nila na maging tahimik at payapa na rin si Mahal saanman ito nandu'n ngayon.




Comments