National Safe Kids Week, paalala sa pagprotekta sa kabataan laban sa bullying
- BULGAR

- 3 hours ago
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 18, 2026

Tuwing ikatlong linggo ng Hunyo ay ipinagdiriwang natin ang National Safe Kids Week. Sa ating pakikiisa sa mahalagang pagdiriwang na ito, patuloy nating isinusulong ang mga panukala at mga programa upang itaguyod ang kapakanan at kaligtasan ng ating mga kabataan, sa loob man o labas ng kanilang mga paaralan.
Isa sa mga mahalagang kailangan nating tugunan ang nagpapatuloy na suliranin pagdating sa bullying. Kamakailan ay lumabas ang isang ulat kung saan pitong mag-aaral sa Grade 5 mula sa isang pribadong paaralan sa Lungsod ng General Trias ang nasugatan matapos saksakin umano ng isang mag-aaral sa Grade 8. Sampu hanggang 11 taong gulang ang mga biktima, samantalang 14 taong gulang naman ang sinasabing mag-aaral na nanaksak sa kanila.
Kung ating babalikan, ang Pilipinas ang tinaguriang ‘bullying capital of the world.’ Batay sa mga resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), isa sa tatlong mag-aaral na 15 taong gulang ang nakakaranas ng pambu-bully sa loob ng isang linggo. Ngunit hindi na lamang mga pangkaraniwang insidente ng bullying ang ating nasasaksihan. Nakikita na rin natin ang mga lumalalang insidente ng karahasan at kailangan natin itong sugpuin.
Kaya naman inaasahan natin ang mas maigting na pagpapatupad ng School-Based Mental Health Program ngayong School Year 2026-2027. Sa ilalim ng 2026 national budget, naglaan tayo ng P2.974 bilyon para sa pagpapatupad ng School-Based Mental Health Program at paglikha ng Learner Wellness Division. Alinsunod ito sa mandato ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Republic Act No. 12080) na akda at isinulong ng inyong lingkod.
Mandato rin ng batas ang pagkakaroon ng mga School Counselor Associates na may tungkuling tumulong sa pagpapatupad ng naturang programang pang-mental health sa ating mga paaralan. Sa ilalim din ng 2026 national budget, meron ding dalawang bilyong pisong inilaan para sa pagha-hire ng School Counselor Associates.
Bilang pagtaguyod naman sa kapakanan ng ating mga kabataan, patuloy nating isinusulong na ipagbawal sa mga menor de edad na wala pang 16 taong gulang ang paggamit ng social media. Nakasaad ito sa panukalang batas na Social Media Safety for Children Act (Senate Bill No. 2066) na inihain ng inyong lingkod.
Makakaasa ang ating mga kababayang patuloy na isusulong ng inyong lingkod ang mga programa at polisiya para itaguyod ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga mag-aaral.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments