National ID, tuluy-tuloy ang resignation
- BULGAR
- Aug 9, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 9, 2024

Mas mabuti na maiparehistro na ang ating mga anak para sa kanilang National ID.
Ito ang panawagan ng pamunuan ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa mga magulang na pursigihin nilang magkaroon na ng naturang identification card ang kanilang mga anak.
Sa pahayag ng PSA, ang mga maaaring iparehistrong mga bata ay nasa edad isa hanggang apat.
Ayon kay National Statistician and Civil Registrar General PSA Undersecretary Claire Dennis Mapa, sa ngayon ay wala pa ring tigil ang pagtanggap nila ng registration mula sa kanilang mga itinalagang venue.
Layon kasi ng ahensya na maging mas accessible sa mga kabataan ang pagpaparehistro para sa kanilang National ID.
Gayundin aniya, patuloy ang kanilang mobile registration activities, kung saan nag-iikot ito sa iba’t ibang lugar, lalo na doon sa mga tinatawag na mga geographically isolated and disadvantaged areas ng ating bansa.
Batay sa datos, hanggang nitong July 12, 2024, aabot na sa kabuuang 88,720,028 na mga Pilipino ang nakapagrehistro para sa National ID System ng PSA.
Maganda ang programang ito ng pamahalaan na magkaroon ng National ID.
Puwede kasing matukoy dito ang bilang ng lahat ng Filipino citizen at ang patuloy na pagdami ng mga Pinoy sa ating bansa.
At mas mainam pa kung gagawin nating mga magulang na iparehistro na rin ang ating mga anak sa Philippine Identification System (PhilSys).
Kumbaga, kahit medyo beybi pa ang ating mga anak ay mayroon na silang magagamit na ID na maaaring patunay na mamamayang Pilipino na sila, bukod sa kanilang birth certificate.
Hiling lang natin sa kinauukulan na sikapin sanang maabot ang mga kababayan nating nasa malalayo o liblib na lugar na mairehistro at magkaroon ng National ID para naman kahit paano ay makasama rin sila sa anumang pribilehiyong maibibigay nito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments