top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Natauhan na raw… KABAYAN NOLI, ATRAS NANG MAG-SENADOR

BULGAR
Oct 14, 2021
2 min read

ni Beth Gelena - @Bulgary Files | October 14, 2021



Pagkatapos mag-file ng Certificate of Candidacy ni Noli de Castro nu'ng October 8 para sa pagka-senador this coming 2022 national elections ay nag-withdraw din agad ang beteranong broadcaster.


Si De Castro ay naghain ng kandidatura sa ilalim ng partido ni Manila Mayor Isko Moreno, ang Aksiyon Demokratiko.


Mismong ang anak niyang si Kat de Castro ang nagpahayag sa mismong FB page nito, na napag-isip-isip daw ng kanyang ama na mas makapagsisilbi siya sa bayan sa pamamagitan ng pamamahayag.


Mahaba ang statement ni Kabayan Noli.


Aniya, "Nitong mga nakaraang araw, taimtim kong pinag-isipan ang desisyong pagbalik bilang isang mambabatas. At kamakailan, naghanda ako sa posibilidad na pagtakbo sa pagka-senador sa darating na halalan.


"Ang nag-udyok sa akin ay ang hangaring muling bigyan ng boses sa Senado ang ating mga kababayan, lalung-lalo na ang mga ordinaryong Pilipino, na ang tanging hangarin ay mabuhay nang maayos, payapa, at may dignidad sa gitna ng pandemya.


"Isinumite ko ang aking kandidatura sa COMELEC noong Biyernes. Ngunit, nagkaroon ng pagbabago ang aking plano.


"Nais kong iparating sa lahat ng aking mga kaibigan at supporters na naghahanda na sanang tumulong sa akin, na nagpasya akong hindi na ituloy ang aking kandidatura.


"Kasabay ng pagdarasal sa Poong Nazareno, napag-isip-isip kong mas makatutulong ako sa pagbibigay ng boses sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng pamamahayag.


"Nais ko pong magpasalamat kay Mayor Isko Moreno at sa mga bumubuo ng Aksyon Demokratiko sa ibinigay na tiwala at tulong sa akin sa unang araw pa lamang na maging miyembro ako ng partido. Maraming salamat po."


Gayunpaman, mananatili raw siyang miyembro ng Aksiyon Demokratiko.


Dalawang programa ang iniwan ni Noli sa ABS-CBN, ang primetime news program na TV Patrol at ang Kabayan sa TeleRadyo.


Wala pang abiso kung babalik si De Castro sa ABS-CBN o kung ano ang susunod niyang gagawin pagkatapos na talikuran ang pulitika.


Matatandaang naging senador na rin si De Castro nu’ng 2001 at nu’ng 2004 ay naging bise- presidente naman siya ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.


Maraming espekulasyon ang mga netizens sa pag-atras ni Kabayan. May mga nagsasabing siguro raw ay natauhan na ito na hindi siya mananalo lalo't ang sinamahang partido ay nega rin dahil sa presidentiable na si Yorme Isko Moreno.


May nagkomento namang baka gusto na ring lumipat ni Noli sa GMA-7 at ginamit lang nito ang pagpa-file ng COC para makapag-resign sa ABS-CBN.


At sabi naman ng iba, siguro raw ay naramdaman ni Kabayan na matatalo lang siya dahil mabibigat ang mga kandidato ngayon sa pagka-senador.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page