Napatay na kaalitan, maaaring ituring na walang “evident premeditation”

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 1, 2024

Dear Chief Acosta,
Ang asawa ko ay nakasuhan ng Murder dahil sa pagpatay sa nakaalitan niyang kapitbahay. Nagtatalo sila sa labas ng bahay namin nang dumating ang asawa ng kapitbahay namin at inawat sila. Dala marahil ng galit at pagkadismaya, tinaga ng asawa ko ang kapitbahay namin nang tumalikod ito para umalis. Ayon sa prosekusyon, ang pagpatay ay kuwalipikado ng evident premeditation dahil ang nasabing alitan at palitan ng mga banta, kasama ang paghihintay sa aming kapitbahay na tumalikod ay nagpapakita umano na ang aking asawa ay nagplano at nag-abang ng pinakamagandang tiyempo upang patayin ang aming kapitbahay. Masasabi bang may evident premeditation kahit na doon lamang sa araw na iyon sila nagkaalitan? -- Connie
Dear Connie,
Ang iyong katanungan ay nasagot ng Kataas-taasang Hukuman sa kasong People of the Philippines vs. Armando Archivido y Abengoza (G.R. No. 233085, 21 September 2020, sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Samuel H. Gaerlan). Ayon sa Korte Suprema:
“In People v. Grabador, Jr., et al., the Court enumerated the requisites to establish evident premeditation:
Accordingly, in order to establish the existence of evident premeditation, the following requisites must be proven during the trial: (i) the time when the offender determined to commit the crime, (ii) an act manifestly indicating that he clung to his determination, and (iii) a sufficient lapse of time between the determination and execution, to allow him to reflect upon the consequences of his act, and to allow his conscience to overcome the resolution of his will. Evident premeditation cannot be presumed in the absence of evidence showing when and how the accused planned, and prepared for the crime, and that a sufficient amount of time had lapsed between his determination and execution. It bears stressing that absent any clear and positive evidence, mere presumptions and inferences of evident premeditation, no matter how logical and probable, shall be deemed insufficient.”
Ayon sa nasabing desisyon, ang evident premeditation ay mayroong tatlong elemento. Higit dito, kinakailangan na ang mga elemento na ito ay maipakita sa pamamagitan ng matibay na ebidensya at hindi maaaring ibase sa pakiwari o pagpapalagay lamang.
Ang tahasang pagpaplano at pagkakaroon ng determinasyong pumatay ang dahilan kung bakit ang evident premeditation ay isa sa mga kuwalipikadong pangyayari para ang kaso ay maging Murder at hindi Homicide lamang. Ito ay dahil hindi lamang simpleng pagpatay ang nangyari, ngunit ito ay pinag-isipang maigi at pinagplanuhan, at ang akusado ay tunay na naintindihan ang magiging kahihinatnan ng kanyang aksyon ngunit siya ay nagpatuloy pa rin sa paggawa ng pagpatay. Dahil dito, mas higit ang kanyang kriminal na layunin.
Ngunit, sang-ayon din sa Korte Suprema, ang mga salita na nagpapahayag ng galit o pagkamuhi ay hindi awtomatikong nangangahulugan ng evident premeditation. Kinakailangan ng prosekusyon na mapatunayan ang punto kung kailan nangyari ang pagpaplano at ang paglipas na panahon mula nang kanyang napagdesisyunan na ituloy ang pagpatay.
Sa kaso ng iyong asawa, maaaring masabi na walang evident premeditation sapagkat doon lamang sa araw na iyon sila nagkaalitan. Ang kasunod na pagpatay, kahit nakatalikod ang biktima at kahit na may naunang palitan ng mga masasakit na salita at banta, ay hindi nangangahulugan ng evident premeditation. Mas higit ang posibilidad na ang nangyaring insidente ay bunsod ng init ng ulo at kawalan ng hustong pagpigil sa sarili, kaysa isang pinagplanuhan at pinag-isipang krimen.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o Smadaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments