Napapanahong batas para sa PWDs, isusulong
- BULGAR
- Jul 29, 2024
- 3 min read
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | July 29, 2024

Kailangang-kailangan nang rebisahin ang pagpapatupad ng Batas Pambansa 344, na mas kilala sa tawag na “Accessibility Law” na tumitiyak na lahat ng itinatayong mga gusali, institusyon, establisimyento at mga pampublikong kagamitan ay may mga pasilidad upang mapagaan ang pagkilos ng mga may kapansanan o persons with disabilities (PWDs).
Kaya nga nagsumite tayo ng isang resolusyon noong nakaraang Martes, Hulyo 23, na humihiling sa naaayong komite ng Senado na suriin ang pagkaangkop at pagiging epektibo ng pagpapatupad ng 40 anyos na batas.
Nais nating matuon kung dapat nang amyendahan ito para mas mapalakas pa ang pagprotekta, pagpapanatili at pagtaguyod sa kapakanan ng PWDs, o kung sa pagpapatupad lamang nagkakaproblema.
Tiyempo ang pagkakahain natin ng resolusyon dahil selebrasyon ito ng Apolinario Mabini Day at sa pagdiriwang ng National Disability Prevention and Rehabilitation Week ngayong linggo para bigyang pansin ang pagrepaso sa matagal at luma nang batas na BP 344.
Pagdating kasi sa pagpapatupad nito, isang napakalaking pagsubok pa rin na abot-kamay o walang hadlang para sa PWDs ang mga bagay na dapat ay napapakinabangan nila ng buong-buo. May mga gusali at imprastraktura pa ring hindi sumusunod sa pinaiiral na standards para mapagaan ang sitwasyon ng PWD na napakahalaga para sa pang-araw-araw nilang pamumuhay at makamit nila ang kanilang mga adhikain.
Gusto nating i-audit ang mga pasilidad kung compliant ba sila sa batas na ito. Remember, this is a law. It is required for them to provide facilities that are accessible for the use of PWDs.
Ang BP 344 ay ipinatupad noon pang Pebrero 25, 1983 sa ilalim ni Pangulong Ferdinand E. Marcos. Pagkalinga ito sa kapakanan ng PWD upang magawa nilang makasabay sa iba’t ibang aspeto ng daloy ng buhay at sa paghubog sa lipunan kung saan sila kabilang para makapamuhay ng maayos at makakuha ng patas na oportunidad katulad ng ibang walang kapansanan.
Lagi nating tatandaan na walang taong may nais magkaroon ng kapansanan o maging PWD. Ang iba ay isinilang na sa ganitong kalagayan at ang iba naman ay biktima ng malagim na aksidente at hindi mabuti na makadagdag pa tayo sa kanilang mga hamong kinahaharap araw-araw dahil lamang sa hindi tamang pagpapatupad o hindi na napapanahong batas.
Sisikapin nating amyendahan ang napakatagal ng batas sakaling sa gitna ng pag-aaral ay makita nating hindi na talaga ito akma sa kasalukuyang panahon upang makapamuhay ng maayos ang ating mga kababayang may kapansanan.
Ang pinakatiyak ay ang gagawin nating pag-iinspeksyon sa mga gusali at iba pang imprastraktura upang masiguro natin na lahat ay sumusunod sa nararapat na standards para sa PWDs at kung ano ang magiging pananagutan ng mga sumusuway dito.
Iba na ang panahon ngayon, may social media na, kahit sino ay madaling maiparating sa mga kinauukulan ang mga pangyayari.
Hindi naman kasi maikakaila na napakaraming mga establisimyento na hindi tumutugon sa pangangailangan ng mga PWDs – marahil dahil sa kakulangan sa paghihigpit kung paano ito ipatutupad.
Sabagay, lilinangin naman ang usaping ito at marami pang positibong suhestiyon ang lulutang sa gitna ng talastasan sa Senado na sa huli ay makabubuo ng komprehensibong solusyon hinggil sa mga bagay-bagay na may kaugnayan sa PWDs.
Tulad ng palagi kong sinasabi, wala naman tayong ibang hangad kung hindi ang mapabuti ang kalagayan ng ating mga kababayan — lalo na ang PWDs.
Kamakailan lamang ay dumanas tayo ng isang matinding aksidente nang mapunit ang lamad sa ating Achilles tendon at lahat ng nararanasan ng isang PWD ay ating naranasan, tulad ng paggamit ng wheelchair, saklay at ngayon ay tungkod para matulungan ang aking binti na muling makalakad ng maayos kaya ramdam ko ang hirap.
‘Yung karanasan ko nga bahagi lang ng gamutan matapos akong operahan pero iniinda ko ang hirap, lalo na siguro ‘yung mga kababayan nating may kapansanan na permanente na ang kalagayan sa pang-araw-araw nilang buhay.
Kaya mapalad tayong nasa maayos na katayuan — kaya sana huwag naman nating ipagkait sa kanila ang tulong na magagawa para mapagaan ang buhay ng PWDs.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments