Napakasama ba ng lahing ito?
- BULGAR

- Mar 15
- 4 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Mar. 15, 2025

“Napakasama ng lahing ito!” Ito ang mga salita ni Hesus sa ebanghelyo (Lukas 11:29-32) noong nakaraang Miyerkules. Ito rin ang ebanghelyong ginamit namin sa misa sa EDSA Shrine bilang, “pagsuporta sa ICC at rule of law, at pakikiisa sa mga pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings.”
Dinaluhan ng ilang mga lider at personalidad ang misang mabilisang inorganisa at inalay makaraang ihain ang ICC warrant of arrest kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang paghatid dito sa mismong araw na iyon sa headquarters ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands. Ang mga sumusunod na pahayag ay hango sa ating omeliya sa naturang misa:
“Napakasama ng lahing ito!” Mabibigat na salitang binitiwan ni Kristo tungkol sa mga Israelita. Bakit Niya tinawag silang napakasama? At ano ang ibig Niyang sabihin sa, “Naghahanap sila ng palatandaan mula sa langit, subalit walang ipapakita sa kanila maliban sa palatandaang inilalarawan ng nangyari kay Jonas.”
“Napakasama” dahil sa kabila ng mga sinasabi at ginagawa ni Kristo nahihirapang maniwala sa kanya ang mga tao at hingi nang hingi ng palatandaan mula sa langit.
Hingi nang hingi pa rin sa Kanya ng kung anu-ano. Hingi nang hingi ng kung anu-anong ayuda at pabor para mapaniwala lang sila. Ano ang nangyari sa loob ng 29 na taon pagkaraan ng pitong presidente (Cory-FVR-ERAP-GMA-PNoy-Duterte-BBM)? Anong nangyari sa nakaraang walong taon mula kay Duterte hanggang kay BBM?
Hindi ba’t hingi pa rin tayo nang hingi ng mga palatandaan mula sa langit at ng kung anu-ano? Nasanay na tayo ng kahihingi at tinamad na tayong gumawa, magsikap, magsakripisyo, magtaya, lumaban at manalangin para sa pagbabago.
Mula EDSA I hanggang ngayon. Mula kay Duterte hanggang kay BBM, nanghina at halos mawala ang pananagutan, ang commitment ng marami. Maraming natuwa sa pulitika at sa mga pabuya at pribilehiyo nito. At napakaraming nagkasya na lang sa mga ilusyon ng walang hanggang pangako ng mga pulitiko at sa panandaliang kaligayahan ng ayuda.
Dumami ang mga trapo, nanganak at lumaganap ang mga dinastiya. Lumakas at tumatag ang paternalism, ang kultura ng ayuda na pinaiiral ng mga makapangyarihan at mayayamang pamilyang dinastiya. Hindi ba’t kung anu-ano ang ipinangako ni Duterte, tulad ng, “mawawala ang trapiko sa EDSA sa loob ng anim na buwan at mawawala sa Pilipinas ang droga na pangunahing salot ng ating lipunan? At mula simula hanggang katapusan ng kanyang anim na taon, sumigaw at naghamon si FPRRD ng, “Kill, Kill, Kill!” At ang nakakapangilabot, nakakatindig balahibo, sumabay ang marami sa kanya sa pagsigaw din ng “Kill, Kill, Kill”.
Sa loob ng anim na taon at halos tatlong taon rito ay panahon ng pandemya, lumakas at yumaman ang kanyang pamilya at ang pamilya ng mga malalapit niyang kasosya at kaibigan.
Samantalang dumami ang naniwala kay Duterte, tumahimik at natakot ang marami sa paglaganap at paghahari ng takot at karahasan (reign of terror and violence).
Nakatulong ang pandemya na kinatakutan ng lahat at kasabay nito, nagpatuloy pa rin ang extrajudicial killings. Subalit, sa gitna ng pagsigaw ng kill, kill, kill ng mga kakampi niya at pananahimik ng marami, merong mga grupo at indibidwal na hindi tumigil sa pamamahayag at pagkilos laban sa kultura ng pagpatay.
Habang isinisigaw ang ‘kill, kill, kill,’ tuloy ang pagkilos para ipagtanggol ang buhay, live, live, live. Inalagaan ng ilan ang mga biyuda at ulila ng EJK. Nagsalita at walang sawa o takot ang ilan laban sa kultura ng pagpatay, laban sa sinasabing presidenteng ‘nagpapapatay’. Hindi nawala, hindi nagsawa, hindi nanghina ang kanilang pananagutan!
Dumami ang mga trolls. Naging hanapbuhay ang pagpapalaganap ng kasinungalingan at fake news. Naging trabaho ang pagpatay hindi lang ng tao kundi ng katotohanan.
Maraming natuwa at patuloy na natutuwa sa mga upload ng trolls sa TikTok, Instagram, YouTube, messenger at FB. Bumabaw at nawala ang kritikal na pag-iisip. Napalitan ito ng nakaka-entertain, nakakatawa ngunit hindi totoo. Nadagdagan ang kultura ng ‘kill, kill, kill’ at lie, lie, lie.
Humihingi sila ng palatandaan ngunit walang ibibigay sa kanila kundi ang palatandaan ng naranasan ni Jonas. Nilulon at nanatili sa tiyan ng balyena si Jonas. Bakit? Dahil naduwag siya. At hindi niya sinunod ang inuutos sa kanya ng Panginoon. Nanghina, nawalan siya ng pananagutan dahil sa kanyang takot. Ngunit sa loob ng balyena sa loob ng tatlong araw ng kadiliman, gutom at uhaw natauhan siya. Iniluwa siya ng balyena noong handa na siya. Hindi na siya takot. Hindi na siya bulag, pipi at bingi.
Nagtungo siya sa Niniveh at nangaral. Nakinig ang hari at inutusan ng hari ang lahat na mag-ayuno, magsuot ng sako at magbudbod ng abo sa sarili: tao at hayop. Nagbalik-loob sila sa Diyos at tinalikuran ang kanilang mga diyos-diyosan.
Nasa 39 taon mula EDSA hanggang ngayon, maraming naging bulag, pipi at bingi, nawalan ng pananagutan. Walong taon mula kay Duterte hanggang kay BBM ay gayon din. Ngunit, namunga na ang pagsisikap ng ilan na huwag matakot, magsawa, manghina sa pamamahayag at paglaban para sa tama at totoo.
Salamat sa mga sumigaw at lumaban para sa buhay, buhay, buhay. Namunga ang kanilang pagsasakripisyo, pagtataya at pag-aalay ng sarili.








Comments