Nang mamatay ang madir… “DAPAT… MAWALA NA RIN AKO” - MARICEL
ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | November 18, 2023

Nagkaiyakan sa grand mediacon ng In His Mother’s Eyes dahil naitanong sa cast kung ano ang mga unforgettable memories nila sa kanilang mga ina.
Ang bidang si L.A. Santos, nagsisimula pa nga lang magkuwento ay napaiyak na.
“Grabe po ang mga mommies, sobrang angels po lahat sila. Pinaka-unforgettable memories ko kay Mommy, sobrang dami,” simula ng aktor-singer.
“Pero ‘yung pinakamadikit sa puso ko po, every time po na may trabaho ako, every time na lalabas po ako, minemeyk-ap-an po ako ni Mommy parati,” aniyang natatawang naiiyak.
“Inaaway niya po ako ‘pag lumalabas akong hindi naka-make-up or hindi nakaayos,” dagdag niya.
Hanggang ngayon daw ay nasanay na nga siya na ang ina ang nag-aayos sa kanya at ayaw niyang magpa-make-up sa iba.
Ang ina ni L.A. ay si Mommy Flor Santos na siyang producer ng In His Mother’s Eyes na kilala talaga sa showbiz bilang mapagmahal na ina sa kanyang anak. In fact, pinasok niya ang pagpo-produce ng pelikula at concerts para kay L.A..
Samantala, si Roderick Paulate ay napaiyak din habang inaalala ang kanyang inang namayapa na. Bata pa lang daw siya ay ito ang kasa-kasama niya sa kanyang mga shootings.
“Ngayon, ito na ang edad ko, alam ‘yan ni Maria (Maricel Soriano), alam ‘yan ni Maila (Gumila), feeling ko, matagal na siyang nawala pero parang feeling ko, hindi pa ako nakapag-mourn. Hindi pa, eh,” aniya.
Sobrang missed na missed daw niya ang ina lalo na nga’t malapit na ang Kapaskuhan.
Taong 2009 naman pumanaw ang ina ni Diamond Star Maricel Soriano na si Mommy Linda kung tawagin sa showbiz. At hindi rin naging lingid sa mga taga-showbiz kung paano ito ininda ni Maria.
Ayon sa aktres, feeling daw niya ay kalahati ng katawan niya ang nawala nang iwan siya ng ina.
“Feeling ko, ‘Ano pa ba’ng gagawin ko? Dapat umalis na rin ako, mawala na rin ako.’ Kasi lahat naman ng ginagawa ko, para sa mommy ko, eh,” aniya.
Naikuwento rin ni Maria na dinalaw siya sa panaginip ng kanyang mommy. Nasa may pintuan daw ito at pabaklang nagsalita ng “O, ‘di ba, bongga?”
Samantala, ang kuwento kasi ng In His Mother’s Eyes ay tungkol sa pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak at sa trailer pa nga lang ay napakarami na ang napaiyak.
Showing na sa mga sinehan ngayong Nov. 29 ang In His Mother’s Eyes mula sa direksiyon ni FM Reyes.





Comments