Nang makita ang baha dahil kay Ulysses, nag-flashback daw…
- BULGAR

- Nov 14, 2020
- 2 min read
SYLVIA, MAY TRAUMA PA RIN NANG LUMUBOG ANG BAHAY NU'NG ONDOY
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | November 14, 2020

“Akala ko, wala na ang trauma ko sa Ondoy, na okay na ako sa nangyari sa amin noong 2009. Ngayon ko lang nalaman na 'di pa pala ako totally naka-get over sa nangyari sa amin noon.
“Mula paggising ko kaninang umaga (Huwebes) hanggang ngayon, nangangatog pa rin ang buong kalamnan ko sa lahat ng mga nakita’t narinig ko. Ang bigat sa dibdib.
“Alam ko kung gaano kahirap ang sitwasyon na ‘yan at kung gaano kabilis rumagasa ang tubig. Naranasan namin 'yan, nakakatakot!
“Ang tanging maitutulong ko lang ay ang ipagdasal kayong lahat at gumawa ng paraan na makatulong 'pag humupa na ang lahat ng ito.
“Panginoong JESUS, patnubayan N'yo po kaming lahat. Kayo lang po higit sa lahat ang tanging makakatulong sa amin. LORD, Your will be done po,” ang post ni Sylvia Sanchez nitong Huwebes (Nobyembre 12) pagkatapos palubugin ng Bagyong Ulysses ang Bikol Region, Quezon at Metro Manila.
Mahigit isang dekada nang naninirahan ang pamilya ni Sylvia sa isang subdibisyon sa Quezon City at maraming maliligayang araw na ang nagdaan kaya nagulat kami nang mag-post siya na may takot pa ring nararamdaman.
Taong 2009 nang naging biktima ng bagyong Ondoy ang pamilya ng aktres na nakatira sa Riverside Village Ortigas, Pasig City. Anim na buwang buntis noon si Ibyang sa bunsong anak na si Xavi na 11 years old na ngayon.
Umabot na sa ikalawang palapag ang tubig-baha sa bahay nila noon kaya nagdesisyon na silang lumikas at binilinan sina Arjo at Ria na magkita na lang sila sa isang lugar dahil hindi naman sila kakayanin sa iisang rubber boat.
Sa bahay ng magulang ni Papa Art Atayde sa Quezon City tumuloy ang mag-anak at pagkatapos ng baha ay hindi na muna bumalik ang aktres sa dati nilang bahay dahil may takot pa rin siyang nararamdaman noon. Hanggang sa nagpagawa na sila ng bahay kung saan sila nakatira ngayon.
At heto, nagbalik sa alaala ni Sylvia ang naranasan nang makita sa social media ang mga kababayang lumubog ang bahay dahil sa bagyong Ulysses.





Comments