top of page
LET’S SEE - MIKA AT WILL, BUKING NA LUMIPAD PA-HK_Reddit.png

‘Nandilim ang paningin’, hindi katwiran para pumatay ng kapwa, period!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 24, 2020
  • 2 min read

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | December 24, 2020



Ano pa ba ang pag-uusapan natin ngayon? Matagal na tayong nasa media at marami na ring nasaksing hindi magaganda, pero iba ang usaping ito. At hindi nakapagtatakang sangkot ang pulis, lalo na sa ilalim ng administrasyong ito. Sigurado maraming nakanood ng video nang walang habas na pagpatay sa mag-inang Sonya at Frank Anthony Gregorio ni Joel Nuezca — wala na tayong pakialam sa kanyang ranggo — noong Linggo ng hapon.


Sa ating palagay, walang kinalaman kung ano ang pinag-awayan ng dalawa — may kasaysayan daw ng alitan ang magkapit-bahay dahil sa right of way, at naingayan dahil sa pagpapaputok ng “boga” ng biktima na siyang ikinagalit ng suspek.


Pero ang isyu ay may karapatan ba itong halimaw na pulis na basta na lang patayin ang mag-ina na wala namang banta sa kanyang buhay at kontrolado na niya ang sitwasyon?


Kitang-kita sa video na nagmamakaawa na si Sonya sa pulis. Niyakap na ang tila nakainom na anak para huminahon. Ganito ang sitwasyon sa kahabaan ng video. Tila nagbago na lang ang sitwasyon nang dumating ang batang babaeng anak ng pulis at sinigawan ang mag-ina ng, “My father is a policeman!” habang kinukunan ng video ang pangyayari.


Kung bakit pinababayaan ng pamilyang ito na lumapit ang bata sa ganyang sitwasyon ay nagpapahiwatig ng kanilang uri ng pagpapalaki sa bata. Sa punto na ito, tumingin ang pulis sa kumukuha ng video sa kanyang kaliwa saka binaril ang mag-ina. Siniguradong patay pa si Frank Anthony nang barilin ulit kahit bumulagta na. Lahat ito sa harap ng kanyang batang anak na babae.


Ano ang iniisip nito? Kaya niya lusutan ang pamamaril dahil pulis siya sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon? May sapat siyang dahilan kaya lumabas nang armado at nauwi sa pagpatay sa mga kapitbahay? Ano ang banta sa kanyang buhay para kumilos nang ganyan? May nakita ba kayo sa video? Nagpakitang-gilas ba siya sa kanyang anak dahil ipinagmalaki nitong pulis ang kanyang ama? Pero ang matindi, marami na palang mga nakaraang kaso ang pulis, pero bakit nasa serbisyo pa? Dahil kayang-kaya niyang pumatay ng tao?


Agad naglabas ng paliwanag ang Palasyo na “isang bugok lang ‘yan.” Paano pala kung matapatan mo ang isa pang bugok? Sigurado ba silang isa lang ang bugok sa kanilang hanay?


At huwag nilang sasabihing nandilim ang paningin nito kaya nagawa ang krimen. O kaya “isolated case” ito. Ilang beses na nating narinig ang PNP na magpaliwanag na “isolated case” ang pagkakasangkot ng pulis sa katiwalian o krimen? Kung marami na, hindi na “isolated” ‘yan. Ibig sabihin ba ay kung adik ang katunggali ng mga pulis, malinaw ang pag-iisip pero kapag ordinaryong mamamayan na hindi armado ay nandilim ang paningin?


Ilang taon kaya ang aabutin ng kasong ito bago masentensiyahan? Malinaw ang ebidensiya kaya dapat gawin itong halimbawa ng hukuman. Dapat makulong habambuhay ang halimaw na ‘yan. Hindi na dapat makalabas sa lipunan. Ilang beses na palang nasasampahan ng kaso pero nakakalusot dahil sa kung anu-anong teknikalidad kaya nakabalik pa sa serbisyo. Ganyan nga yata talaga sa Pilipinas. Tsk!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page