Nakilala sa socmed, nakipag-meetup sa 3 menor-de-edad... 57-anyos na lalaki, ninakawan, pinatay sa hotel
- BULGAR

- 21 hours ago
- 1 min read
by Jeff Tumbado @News | September 1, 2026

Photo: QCPD-CIDU
Arestado ang tatlong menor-de-edad na lalaki na sinasabing pumatay at nagnakaw sa isang 57-anyos na freelance bookkeeper sa isang hotel sa Quezon City.
Ayon sa Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, dalawa sa mga suspek, edad 16 at 17, ang nahuli sa Laguna, habang sa Batangas nadakip ang isa pang 16-anyos. Natunton sila sa tulong ng TNVS na kanilang sinakyan.
Sa imbestigasyon, asphyxia by strangulation ang ikinamatay ng biktima batay sa resulta ng pagsusuri ng Scene of the Crime Operation (SOCO). Gayunman, sinasabi na maaaring una munang hinampas ng bote sa ulo ang biktima bago tinakpan ng unan ang mukha nito.
Natuklasan ang bangkay ng biktima noong Agosto 26 nang puntahan ng isang hotel attendant ang silid upang maglinis.
Pagnanakaw ang tinitingnang motibo matapos umano nilang tangayin ang mga cellphone, cards at passbook ng biktima. Humigit-kumulang P150,000 ang na-withdraw at halos P40,000 ang nagastos gamit ang credit card.
Nakilala umano ng biktima ang mga suspek sa social media. Nagkasundo umano silang magkita at mag-inuman matapos bumiyahe ang biktima mula Mindanao patungong Maynila para sa trabaho.
Mula Agosto 18 ay naka-book na umano ang biktima sa naturang hotel.
Na-turnover na sa Social Services Development Department ng Quezon City government ang tatlong CICL.





Comments