Nakikita raw na happy ang utol… INAH AT JAKE, BOTO KAY DANIEL PARA KAY KAILA
- BULGAR

- 1 day ago
- 3 min read
ni Mercy Lejarde @Talkies | July 19, 2026

Photo: IG _inah & FB Circulating (Daniel & Kaila)
Inamin ng aktres na si Inah de Belen na ang kanyang ina, ang multi-awarded actress na si Janice de Belen, ang unang nagmungkahi na magsama na muna sila sa iisang bahay ng kanyang longtime boyfriend na si Jake Vargas.
Ibinahagi ito ng magkasintahan nang mag-guest sila sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA).
Tinanong ni Boy Abunda si Inah kung bakit sila nagdesisyong mag-live-in.
Tanong ni Boy, “You’ve lived together for five years now. Bakit kayo nagdesisyon na mag-live-in?”
Ipinaliwanag ni Inah na may nangyari sa kanyang buhay limang taon na ang nakalipas na naging dahilan upang imungkahi ng kanyang ina ang setup na iyon.
Saad ni Inah, “Actually, Tito Boy, something happened five years ago. So I think my mom was the one who suggested na, ‘Bakit hindi na lang kayo mag-live-in?’ Kasi during that time also, I was always not at home anymore. Halos every day, every week, s’ya (Jake) na ‘yung kasama ko. That was also the time na parang sabi ng mom ko, ‘Why don’t you guys live together?’”
Nang tanungin ng King of Talk na si Boy kung ano ang naging reaksiyon niya sa mungkahi ng ina, sinabi ni Inah na nagulat siya noong una, bagama’t napag-uusapan na rin nila ni Jake ang posibilidad na magsama sa iisang bahay.
Aniya, “Nu’ng una, s’yempre, Tito Boy, nagulat ako kasi sabi ko nga, ‘Totoo ba ‘to?’ But then, leading up to that, I had already thought about it. We were talking about it na rin, pero ‘di naman kami talaga nagpaplano na, ‘O, ito, gagawin natin, ha? Let’s talk to my parents about it.’ So, when she said that, parang ‘yun na rin siguro ang blessing n’ya, na okay for you guys.”
Samantala, inamin din ni Jake Vargas na nagulat siya sa mungkahi ni Janice.
Saad ni Jake, “Nagulat din ako, Tito Boy.”
Nang tanungin kung kinabahan ba siya sa desisyong mag-live-in, sinabi ng aktor na marami rin siyang naisip noong una.
Aniya, “Medyo. Kasi magli-live-in na kami, iba kasing usapan ‘yun. Ang daming tanong—kaya ba namin? Siguro, iniisip ko na lang, love naman namin ang isa’t isa, kaya siguro makakaya naman namin.”
Sa panayam, napag-usapan din ang kapatid ni Inah na si Kaila Estrada at ang karelasyon nitong aktor na si Daniel Padilla.
Tanong ni Boy, “Boto ba kayo kay DJ (Daniel Padilla)?”
Agad namang sumagot si Jake ng “Yes.”
Samantala, sinabi ni Inah na nakikita niyang masaya ang kanyang kapatid sa piling ni Daniel.
Saad ni Inah, “You know what, Tito Boy, the many times that we’ve been spending time with them, nakikita ko na okay s’ya at masaya ‘yung kapatid ko (Kaila Estrada). And you know what, boto ako sa happiness ng kapatid ko. And when I see them together, happy sila.”
Well, in fairness, tipong love na love nina Daniel at Kaila ang isa’t isa, tulad din nina Inah at Jake, ‘di ba naman, madlang people?
NILINAW ni JAMSAP Entertainment Corporation President at CEO Jojo Flores na wala na siyang anumang koneksiyon sa Jams Artist Production.
Aniya, nakatuon na ang kanyang buong panahon, atensiyon, at pamumuno sa patuloy na pagpapatatag at pagpapalawak ng JAMSAP Entertainment Corporation, JAMSAP TV at JAMSAP Entertainment Academy.
Ayon kay Jojo, mahalagang maging malinaw sa publiko na ang JAMSAP Entertainment Corporation at ang Jams Artist Production ay dalawang magkaibang entidad.
“Iba na ang direksiyong tinatahak ko. Ang buong pokus ko ngayon ay ang pagpapalago ng JAMSAP Entertainment Corporation at ang pagbibigay ng mas maraming oportunidad sa mga Pilipinong may talento sa pamamagitan ng JAMSAP TV at JAMSAP Entertainment Academy,” ani Jojo.
Dagdag pa niya, isa rin itong panibagong yugto sa kanyang personal na buhay.
Aniya, “Single na rin po ako at buong puso kong tinatanggap ang bagong kabanatang ‘to. Ang lahat ng aking oras, lakas, at dedikasyon ay ilalaan ko sa aking pananampalataya, pamilya, negosyo, at sa pagtulong na matupad ang mga pangarap ng mas maraming kabataang Pilipino.”
Patuloy namang pinalalawak ng JAMSAP Entertainment Corporation ang mga programa at inisyatiba nito sa larangan ng entertainment, digital media, sports, at talent development. Layunin nitong makapagbigay ng positibong impluwensiya at makalikha ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipinong may talento.
Nananatiling gabay ni Jojo ang kanyang personal na paninindigan na, “Every dream is valid.”
At ito ang mensaheng nais niyang iparating sa bawat nangangarap, “Be the change that you wish to see in the world.”





Comments