top of page
Gary V. - IG.jpg

Nakasulat na kontrata, may 10 taon para maningil

Writer: BULGAR
BULGAR
8 hours ago
3 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 11, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


May pinirmahan po kaming kasunduan ng isang tao kung saan nakasaad ang kanyang obligasyong magbayad sa akin. Matagal na po siyang hindi nakabayad. Totoo po ba na sampung (10) taon lamang ang panahon upang magsampa ng kaso kung ang paghahabol ay nakabatay sa isang nakasulat na kontrata? Kailan po nagsisimulang bilangin ang sampung taon? — Antonieta





Dear Antonieta,


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Artikulo 1144 ng Republic Act (R.A.) No. 386, o ang New Civil Code of the Philippines, na nagsasaad:


Article 1144. The following actions must be brought within ten years from the time the right of action accrues:


(1) Upon a written contract;

(2) Upon an obligation created by law;

(3) Upon a judgment.”


Samakatuwid, ang isang kaso na nakabatay sa isang nakasulat na kontrata ay dapat maisampa sa loob ng sampung (10) taon mula sa panahong nagkaroon ng karapatang magsampa ng kaso.


Sa kasong Alba vs. Arollado (G.R. No. 237140, ika-05 ng Oktubre 2020, isinulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Justice Mario V. Lopez), ipinaliwanag ng Korte Suprema kung kailan nagsisimulang tumakbo ang prescriptive period. Ayon sa Kataas-taasang Hukuman:


It is the legal possibility of bringing the action that determines the starting point for the computation of the period of prescription.”


Ibig sabihin, ang sampung (10) taon ay hindi basta binibilang mula sa petsa kung kailan nilagdaan ang kontrata. Ang mahalagang malaman ay kung kailan nagkaroon ng karapatan ang isang partido na magsampa ng kaso dahil sa hindi pagtupad ng kabilang partido sa kanyang obligasyon. Ipinaliwanag din ng Korte Suprema na ang pagkakaroon ng cause of action ay nangangailangan ng mga sumusunod:


A cause of action exists if the following elements are present, namely: (1) a right in favor of the plaintiff by whatever means and under whatever law it arises or is created; (2) an obligation on the part of the named defendant to respect or not to violate such right; and (3) an act or omission on the part of such defendant violative of the right of the plaintiff or constituting a breach of the obligation of the defendant to the plaintiff for which the latter may maintain an action for recovery of damages. “It is only when the last element occurs that a cause of action arises.


Batay sa mga nabanggit, kung nakasaad sa nakasulat na kontrata na ang obligasyon ay dapat tuparin sa isang partikular na petsa at hindi ito tinupad sa takdang panahon, doon maaaring magkaroon ng cause of action at magsimulang tumakbo ang naaangkop na prescriptive period.


Mahalaga ring malaman na maaaring maputol ang pagtakbo ng preskripsyon. Ayon sa Korte Suprema sa kaparehang kaso:


Prescription of actions is interrupted when (1) they are filed before the court, (2) when there is a written extrajudicial demand by the creditors, or (3) when there is any written acknowledgment of the debt by the debtor.”


Samakatuwid, kung ang paghahabol ay nakabatay sa isang nakasulat na kontrata, bilang pangkalahatang tuntunin, ay dapat itong maisampa sa loob ng sampung (10) taon mula nang mag-accrue ang karapatang magsampa ng aksyon (right of action). Gayunman, dapat pa ring suriin ang mismong kasunduan, kung kailan dapat nabayaran/natupad ang obligasyon, kung kailan ito nalabag, at kung may pangyayaring maaaring nakapagpatigil sa pagtakbo ng preskripsyon.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyong iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page