Naka-move on na raw talaga kay Tom… CARLA, UMAMING SI PIOLO ANG GUSTO
- BULGAR
- Sep 28, 2023
- 4 min read
Updated: Sep 30, 2023
ni Janiz Navida @Showbiz Special | September 28, 2023

Blooming at bumata ang hitsura ni Carla Abellana sa bago niyang short hair nang humarap sa entertainment press last Tuesday night para sa contract signing niya sa All Access to Artists, Inc. or AAA.
Yes, confirmed na lumipat na nga ng management si Carla at makakasama na siya ngayon sa kuwadra nina Marian Rivera at Maine Mendoza na A-listers ng nasabing talent agency na pinamumunuan ni Direk Mike Tuviera as CEO and president.
Mainit ang naging pagtanggap kay Carla ng Triple A Management dahil all-out support sa kanya ang mga executives nito na bukod kay Direk Mike, present din sa contract signing-mediacon sina Mr. Joe Oconer (ex-husband ni Ciara Sotto, sorry, we forgot to ask ang position niya sa AAA) at Ms. Jacqui Cara (Head of Operations).
Inamin ni Carla ang dahilan ng paglipat niya sa AAA at nilinaw na wala namang kinalaman ang problema nila ni Tom Rodriguez sa pag-alis niya sa management ni Popoy Caritativo kung saan pareho nga silang talents ng ex-mister.
Diin ni Carla, change in career path ang dahilan ng kanyang pag-alis kay Popoy. Wala raw silang tampuhan at maayos ang naging paghihiwalay nila.
Hindi rin daw totoong gusto niyang iwasan si Tom dahil balitang magbabalik-'Pinas na ito at gagawa na uli ng mga proyekto sa GMA-7.
Buong-ningning na sinagot ni Carla ang mga tanong ng press people tungkol sa estado ng puso niya ngayon at ilang ulit niyang ipinagdiinan na naka-move on na siya, napatawad na ang nakahiwalay na mister at ready na rin daw siya anytime na magkaharap sila o magkasalubong sa GMA-7 dahil maliit nga lang ang mundong kanilang ginagalawan.
'Yun lang, diretso ring sinabi ni Carla na hindi pa siya handang makatrabaho uli si Tom.
'Wag daw muna dahil mas gusto niyang ma-try namang makatrabaho ang maraming artista sa showbiz, lalo na 'yung mga hindi pa niya nakakasama tulad ni Piolo Pascual!
True! Dream leading man pala niya si Papa P. at parang kinikilig pa si Carla nang aminin na gusto niyang makatrabaho ang Kapamilya actor.
Pero natatawang nilinaw din ni Carla na hanggang working relationship lang naman ang gusto niyang mangyari sa kanila ni Piolo nang tuksuhin namin na posible kayang ito ang ipalit niya kay Tom since pareho naman silang single ni Papa P.
Ani Carla, bagama't marami raw nagpaparamdam sa kanya ngayon na non-showbiz guys, hindi pa talaga siya handang magmahal uli. Pero hindi raw niya isinasara ang kanyang pintuan kapag dumating ang panahon na ma-in love siya uli.
Mukha ngang naka-move on na talaga si Carla dahil game na game talaga siyang sinagot ang lahat ng questions ng press at kahit binabanggit namin ang name ni Tom Rodriguez, cool na cool lang ang magaling na aktres at walang iniwasang tanong.
Sabi nga niya when asked kung paano siya nag-move on, may proseso raw talaga at inamin niyang nag-seek din siya ng professional help para sa kanyang mental health.
Thankful and grateful din siya na dahil sa suporta ng kanyang mga kapamilya at kaibigan, heto na siya ngayon, masaya na uli at handa nang harapin lahat ng magagandang opportunities na darating sa kanya.
Excited na raw siyang makatrabaho sina Marian at Maine na mga 'kapatid' na niya ngayon sa Triple A Management. Mapa-movie o TV project or social media collab man daw 'yan, game na game si Carla at looking forward na makasama nga sina Marian at Maine.
Well, happy naman kami for Carla dahil naka-move on na nga siya at ngayon ay inspirasyon pa ng maraming kababaihan dahil sa kanyang mga pinagdaanan.
Excited na rin kaming mapanood uli si Carla na umaarte kung saan malapit na raw umere ang kanyang Stolen Life sa GMA-7 kasama ang aktres na si Beauty Gonzalez.
Good luck and God bless, Carla!

Box Office star na ring maituturing ang komedyanteng si Empoy Marquez matapos tumabo sa takilya ang Kita Kita movie nila noon ni Alessandra de Rossi.
Pero sa kabila nito, hindi issue kay Empoy kung 17 man silang bida ngayon sa barkada movie titled Fruitcake na intended makapasok sa MMFF 2023.
Makakasama nga rito ni Empoy sina Joshua Garcia, Enchong Dee, Ria Atayde, Jane Oineza, Heaven Peralejo, Dominic Ochoa, KD Estrada, Queenay Mercado, Alex Diaz, Markus Paterson, Noel Comia Jr., Victor Anastacio, Kat Galang, Macoydubs, Red Ollero, Kaila Estrada, at Karina Bautista.
Natatawang sabi ni Empoy, hindi pa naman daw lumalaki ang kanyang ulo at ayaw niyang lumaki, so hindi issue sa kanya kung bida siya or support lang. Mas maganda nga raw 'yung marami sila sa pelikula dahil mas masaya sa shooting.

At mukhang nagkaroon ng mga bagong kaibigan si Empoy habang ginagawa nila ang Fruitcake dahil may mga komedyante rin sa cast tulad nina Macoydubs at Red Ollero.
Dahil barkada movie ang Fruitcake, umaasa ang mga producers nitong Cornerstone Studio, Create Cinema at Star Magic na mapasama nga sa MMFF 2023 ang movie para makapagbigay ng aliw sa mga manonood sa December 25, lalo't bukod sa mga bata, 'yan din ang panahong nagsasama-sama ang mga magkakabarkada para sabay-sabay manood ng sine.
Mula sa direksiyon ni Joel Ferrer ang Fruitcake.





Comments