Naka-2 gold na sa Poomsae ang San Beda sa NCAA Virtual
- BULGAR
- Jun 20, 2021
- 2 min read
ni VA - @Sports | June 20, 2021

Nanguna ang San Beda University sa pagtatapos ng unang kompetisyon sa NCAA Season 96 makaraang magwagi ng dalawang gold medals. Nakopo ni Michael Macario ang ikalawang gold medal para sa Red Jins nang mangibabaw ito sa men's freestyle online competition noong Huwebes ng hapon.
Nakakuha si Macario ng kabuuang 7.033 puntos para makamit ang gold medal. Nagtapos na pinakamalapit sa kanya at siyang nagwagi ng silver ang Jose Rizal University (JRU) jin na si Mikko Jeremi Bataoil na nakatipon ng 6.367 puntos habang sumunod si Justin Carl Dominic Nacua ng College of St.Benilde na may 5.600 puntos para sa bronze.
Ang unang nagwagi ng gold para sa Red Jins ay si Alfritz Arevalo sa men’s standard event noong Lunes. Napanalunan ni Krizelle Therese Yadao ng Saint Benilde ang gold medal sa women’s freestyle. Ginapi ni Yadao na nakakuha ng 6.900 puntos si Shyenler Emelo Cedo ng JRU na siyang nag-uwi ng silver sa nangyaring two-way battle.
Sa kabuuan, umani ang San Beda ng dalawang gold medals at isang bronze para pangibabawan ang seniors division ng katatapos na virtual competition. Sumunod sa kanila ang CSB na may isang gold, dalawang silver at isang bronze at pumangatlo ang JRU na may isang gold at dalawang silver.
Samantala sa juniors division, nakadalawang gold medals din ang Emilio Aguinaldo College (EAC) matapos mapanalunan ni John Mcleary Ornido ang kanilang second gold sa freestyle event. Tinalo niya sa natipong 6.800 puntos si Raphael Ongkiko ng CSB-La Salle Greenhills na may 6.700 puntos. Sumegunda sa Brigadiers ang CSB-La Salle Greenhills at ang San Sebastian na may tig-isang silver. Ang susunod na kompetisyon ng espesyal na season ay ang speed-kicking event na sinimulan na ang juniors contest noong Biyernes. Kasunod nito ang men’s division sa Hunyo 22 - 29 at ang women’s sa Hunyo 30 hanggang Hulyo 5.





Comments