Nairaraos pero hindi tagumpay ang online learning sa pampublikong paaralan
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | March 22, 2021
Hindi pinalusot ng Palasyo ang mga suhestiyon mula sa Senado na kung maaari ay unti-unti nang simulan ang pagbabalik ng face-to-face classes dahil lubha nang apektado ang sistema sa ating edukasyon.
Umiral pa rin ang pangamba ng pamahalaan na dapat unahin ang kaligtasan ng mga guro at mga mag-aaral hangga’t hindi pa natuturukan ng bakuna lalo pa ngayong napakabilis nang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ito ay sa kabila ng naparaming reklamong ating natatanggap hindi lang sa mismong mga mag-aaral kung hindi maging sa mga magulang na may kakulangan din sa edukasyon na dumaranas umano ng hirap sa pagtuturo sa kani-kanilang mga anak.
Marami ring guro na may anak na nag-aaral ang nais ulitin na lamang umano ang school year na ito dahil sa hindi umano sapat ang kasalukuyang sistema para maiangat sa susunod na grado ang kanilang mga anak.
Isa sa mga nakikitang problema ng mga mag-aaral ay ang kakulangan ng gadget at kawalan ng internet connection upang makasabay sa tamang panahon ang mga mag-aaral hanggang sa kasalukuyan.
Ayon mismo sa Department of Education (DepEd), nasa 22 milyon umano ang mga mag-aaral sa pampublikong paaralan at halos nasa 4 milyon lamang ang konektado sa internet.
Nasa 2 milyon lamang umano sa mga mag-aaral ang may sariling gadget at karaniwan ay nanghihiram lamang kaya nga madalas ay namamahagi tayo ng gadget sa napakaraming mag-aaral.
Lumalabas din na karamihan sa mga barangay sa buong bansa ay may pampublikong paaralan ngunit 87 porsiyento sa mga ito o nasa 36,607 sa 42,055 barangay ang walang sariling cellsite.
Tila hindi natugunan ng nga dalawang telecommunications company (telcos) ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na dapat maayos na ang internet connection sa buong bansa na ibinibagay ang ultimatum noon pang nakaraang Disyembre.
Kahit pa tumaas ang ranggo ng Pilipinas mula sa 111 patungo sa 86 sa Speedtest Global Index ng Ookla ay hindi pa rin umano ito sapat at kailangang bawat barangay ay maabot nang koneksiyon ng internet at hindi na natin danasin ang “digital divide” sa buong kapuluan.
Nagtataka naman tayo sa dalawang telcos na ito kung bakit hanggang ngayon ay hindi nila maibigay ang tamang serbisyo na akma sa ating pangangailangan samantalang todo na ang suporta sa kanila ng pamahalaan.
Hindi ba’t maging ang Department of Interior and Local Government (DILG) ay nagtayo mismo ng Task Force na aalalay sa mga telcos na ito para lang mapadali ang pagproseso ng papeles para mapabilis ang pagtatayo ng cellsites?
Maging sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act ( Republic Act No. 11494) o Bayanihan 2 ay sinuspinde ng tatlong taon ang lahat ng requirements sa pagtatayo ng cell tower maliban sa building permit para nga mapadali ang pagbibigay nila ng magandang serbisyo.
Nakakabahala ang ulat na malaking porsiyento ng mga mag-aaral ang nakakuha ng napakababang grado dahil lamang sa kadahilanang wala silang internet connection sa kani-kanilang mga tahanan.
Nakakahinayang ang pagsisikap ng DepEd partikular ang mga guro na hindi lahat ng mag-aaral sa pampublikong paaralan ay inaabot ng kanilang itinuturo sa tamang sa panahon na kailangan ito.
Ang online classes na lamang ang tanging pagkakataon na kahit paano ay magkaharap ang guro at mag-aaral ngunit hindi lahat ay may pagkakataong gawin ito dahil sa kawalan ng internet connection.
Dahil dito ay mas pinaiiral ang paggamit ng mga module sa pamamagitan nang pamamahagi nito sa mga magulang ng mga mag-aaral at maraming pangyayari na mismong ang mga magulang na ang sumasagot ng module sa halip na ang kanilang mga anak.
Sa mga lalawigan ay normal na pangitain pa rin ang grupo ng mga guro at mag-aaral ang nasa itaas na bahagi ng kabundukan upang makasagap lamang ng signal dahil sa kagustuhang mairaos ang pag-aaral.
Ang nakadidismaya pa, ang mahihirap nating kababayang ito ay gumastos pa para sa tingi-tinging load na ibinawas pa nila sa budget nila sa pagkain tapos ay mai-expire lamang ng hindi nila napakinabangan ng maayos.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments