top of page

Nahimasmasan lahat nang mag-resign si Romualdez, buti naman!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 19, 2025
  • 2 min read

ni Ka Ambo @Bistado | September 19, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Nahimasmasan ang lahat nang sorpresang magbitiw si House Speaker Martin Romualdez at naupo si Rep. Bojie Dy.


Klap, klap, klap!


-----$$$--


NAG-UGAT ang lahat sa expose mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa maanomalyang flood control project sa kanyang SONA.


Personal na ininspeksyon ni PBBM ang palpak na mga proyektong ito — kung hindi man “non-existent” ay malinaw na “substandard”.


-----$$$--


HANGGANG ngayon nakatutulig ang tinig ng Pangulo sa kanyang SONA: “Mahiya naman kayo!” 

At tinablan ng hiya kaya’t nagpakitang-tao ang Senado at Kamara: nagsagawa ng magkasabay na pagdinig.


-----$$$--


NABISTO ang maraming palpak na proyekto sa inilunsad na diskarte, Isumbong sa Pangulo website kung saan ibinunyag mismo ng Presidente ang “15 contractors” na kumorner ng multi-bilyong pisong mga kontrata.

Binalasa agad ang Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) at mismo ang DPWH.


----$$$--


INIUTOS ni PBBM ang lifestyle check sa mga opisyal at itinalaga si DPWH Secretary Vince Dizon para sa isang masusi at seryosong imbestigasyon.

Magkatuwang na nagsampa ng kaso sa Ombudsman ang Commission on Audit at DPWH laban kina Engr. Hernandez at Engr. Alcantara ng Bulacan at iba pang opisyal ng DPWH.


-----$$$--


PINAKAGRABE ang akusasyon laban sa mag-asawang Discaya dahil hindi lang palpak na proyekto sila inuusig, bagkus ay maging sa nakumpiskang 20 luxury cars ng mga ahente ng Bureau of Customs.

Iniutos din ni PBBM ang pag-freeze ng assets ng mga nasasangkot sa anomalya na agad inaksyunan ng AMLC.


-----$$$--


MALINAW na tinototoo ni PBBM ang kanyang pangako at direktiba: “Walang sasantuhin, kaibigan, kamag-anak o maging kaalyado”.

Ang pagbibitiw ni Romualdez ay mananatiling legacy ni PBBM sa kanyang kampanya kontra graft and corruption.


----$$$--


ANG pagbuo ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) gamit ang Executive Order 94 ang magseselyo ng kampanya laban sa katiwalian sa burukrasya.

Ito rin mismo ang babandila sa isinusulong niyang Bagong Pilipinas na magiging pundasyon ang kooperasyon ng bawat Pilipino.



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page