Nagsasalpukan na ang Kamara at Senado
- BULGAR
- 12 hours ago
- 2 min read
ni Ka Ambo @Bistado | October 1, 2025

Maselan ang expose ni ex-Senate President Chiz Escudero.
Direkta niyang winasak ang kredibilidad at reputasyon ng dati niyang “tandem” na si ex-Speaker Martin Romualdez — magkasabay silang umaktong lider ng Lower at Upper Chamber.
----$$$--
NAKAKATULIG ang pagbubunyag dahil aktuwal niyang itinuro si Romualdez na “utak o mastermind” ng flood control project scam.
Direkta rin niyang ibinunyag na ginamit umano ang “for later release” insertion sa budget — bilang payola sa mga kongresista upang isulong ang impeachment complaint laban kay VP Sara.
----$$$--
HINDI ordinaryong tao, media o mambabatas si Escudero, bagkus ay dating Top 3 leader ng ating Republika.
Ang kanyang talumpati ay dokumentadong ebidensya ng “inutil” na Kamara ng mga Representante — sa panahon mismo ng kanyang panunungkulan din bilang puno ng Senado.
----$$$--
DAPAT maunawaan ng lahat ang kahulugan ng terminong Kongreso o Congress sa wikang Ingles.
Kapag sinabing Congress, ito ay magkakambal na Senado at Kamara ng mga Representante.
----$$$---
MAITUTURING na “kambal-tuko” ang Kamara at Senado na “iisa lang ang puso”, kumbaga sa “conjoined twins” na mistulang isang thoracopagus.
Hindi puwedeng mabuhay ang “isa sa kambal”, kapag pinatay mo ang ikalawa.
Ang buhay ng magkakambal ng thoracopagus — ay iisa!
----$$$--
KUNG isang thoracopagus ang Kamara at Senado, ang expose ni Escudero ay maituturing na “suicidal”.
Hindi pagpapatiwakal ng kanyang “sariling personalidad” bagkus ay pagpapatiwakal ng lehislatura.
Kumbaga, left ventricle at right ventricle na bahagi ng puso — ay magkatuwang na bobomba ng dugo patungo sa lahat ng ugat o sangay ng pamahalaan.
-----$$$--
DAPAT nating maunawaan na ang presidential form of government ng Pilipinas ay umaandar bilang “conjoined triplets” — ehekutibo, lehislatura at hudikatura.
Maituturing ang ehekutibo, lehislatura at hudikatura — na craniopagus -- magkadugtong ang bungo o skull — na pinaglalagakan ng utak.
----$$$--
MALINAW kung gayon na kapag paralisado o may cancer ang “lehislatura” direktang mahahawa rito ang ehekutibo na ikinakatawan ng Malacanang — at maging ang hudikatura na ikinakatawan ng Korte Suprema.
Ang paggguho ng legislature — Kamara at Senado -- ay pagguho rin ng Malacanang kung saan apektado rin ang hudikatura.
-----$$$--
TALIWAS sa ibang porma ng gobyerno na “normal twins” ang tatlong sangay ng gobyerno, “in-practice” — conjoined twins naman ang pundasyong ito ng demokratikong gobyerno sa Pilipinas.
Ang expose ni Escudero ay pag-aakalang, magkahiwalay ang Kamara at Senado — na isang mapanganib na “konsepto”.
Kapag nawasak ang isa sa kambal ay tuluyan ding magwawasak “silang dalawa”.
-----$$$--
ANG nakakatakot, kung ito ay totoong “conjoined triplets”, posibleng direktang apektado ang ehekutibo, kung saan maaari ring gumuho nang hindi inaasahan!
Hindi sana totoo ang pagtaya o konseptong ito.
Nakakatakot ang mga susunod na kabanata!
---$$$--
SA ibang bansa na talamak ang corruption, na isang unicameral -- binubuwag ang Kongreso, babalasahin ang burukrasya at magsasagawa ng “snap election”.
Iyan ay para maiwasan ang madugong kudeta o military intervention sa katwirang: “Ipreserba ang Konstitusyon” -- na may pagkakataong dikta dili kaya’t may basbas ng mga dayuhan!
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments