top of page

Nagsama sa Morocco… JOSHUA, UMAMING SA TENT SILA NAGKATIKIMAN NI IVANA

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 53 minutes ago
  • 4 min read

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | May 2, 2026



Ivana Alawi at Joshua Garcia - IG Love is Never Gone

Photo: IG _dinabonnievie & FB Joshua Garcia



“Originally sa Bangkok, Thailand, pero mas gusto ng production ay mas malapit kung ano ang lahi ni Ivana Alawi. May lahi siyang Moroccan ang tatay niya kaya kami nag-shoot du’n,” ito ang pagtatapat ni Joshua Garcia.


Natanong kasi ni Direk JP Habac kung bakit sa Morocco nag-shoot ang Love Is Never Gone (LING) na produced ng Dreamscape Entertainment at ABS-CBN Studios na mapapanood sa Amazon Prime Video simula sa Mayo 8.


Si Joshua ang guest sa vlog nina Direk Antoinette Jadaone at JP na Ang Walang Kuwentang Podcast Channel (AWKP) dahil ang format ng show ay bukingan kaya lahat ng guests ay dapat maging handa sa mga itatanong sa kanila.


Unang beses daw ni Joshua mag-shoot sa Morocco at umaasa siyang mauulit ito dahil balita niya ay mas maganda ang Northern at Southern part ng nasabing bansa kung saan makikita ang magagandang tanawin ng kabundukan.


Balik-tanong ni Direk JP kung lahat ng eksena ay kinunan sa Morocco at sinagot ni Joshua ng, “‘Yung pilot episode.”


Pero tumawang hirit ni Direk Tonette, “Hindi, ‘yung pagtalon ni Ivana, dito ‘yun?”

“Ah, sa breakwater, Manila Bay,” tumatawang sabi rin ni Direk JP.

Ipinagdiinan ni Joshua na ang pilot week nila ay sa Morocco talaga.

“Tapos, ‘yung istorya, hanggang sa mapupunta sa Manila.”


“So, ‘pag pinanood ‘yung trailer, kita agad ‘yung love scene ninyo ni Ivana, kita agad ‘yung pagmamahal ninyo sa isa’t isa,” sabi ng lady director.


“Yeah, malinis ‘yung trailer. Nagustuhan mo ba?” tanong ng aktor kay Direk Tonette.

“Oo, nagustuhan ko at ipinakita talaga ‘yung part ng Morocco na ang gulu-gulo, pero nagustuhan ko talaga ‘yung market ‘yun, ‘di ba? Ano nga tawag du’n?” tanong-sagot naman ni Direk Tonette.

“Souk,” sabi ng aktor.


Full production ng LING ang lumipad sa Morocco kasama ang mga artistang kukunan sa eksena at inamin ni Joshua na naging parte rin siya ng production.


“Nag-audio man ako ru’n, hawak ko ang boom mic, tapos, nagku-cue rin ako ng mga talents kasi ang laki ng lugar na pinagsyusyutingan namin. Kulang kami sa tao minsan, kaya ako ang nagku-cue,” kuwento ni Joshua.


“Taray, nag-e-AD (assistant director)?” tanong ni Direk Tonette.

“Oo, double pay ‘yun,” kaswal na sabi ng aktor na ikinatawa ng dalawang direktor.


Dagdag pa ni Joshua, “Tulung-tulong na rin kasi kami para mas mapabilis. Gusto ko na ring pumack-up.”


Dalawang linggo raw inabot sa Morocco ang buong grupo at ibinahagi niya ang hindi malilimutang experience.


“Inaaliw namin ang mga sarili namin doon. Umaarte rin kami kapag rest day at kumain kami sa Filipino restaurant doon. Napakain kami ni Ivana sa Essaouira kung saan nag-shoot ang Game of Thrones. Kasi ‘pag matagal ka na sa lugar, hahanapin mo na ang Filipino food,” tsika pa ng aktor.


Naikuwento pa ni Joshua na may campfire scene sa safari desert sa Agafay Desert at inakala ng mga turistang naroon ay may campfire show na mangyayari.


“Set-up lang namin, so may libre na kaming talents,” saad ng aktor.


Nabanggit din ni Direk Tonette na kaya magandang mag-shoot sa ibang bansa ay dahil maganda ang background kahit saan itutok ang kamera.


“Unlike dito sa Pilipinas, may toda, may aso,” tumawang sabi ng direktora na ikinatawa rin nina Direk JP at Joshua.


Sabi rin ng aktor, “Ang ganda ng kuha, ang lambot ‘pag sa ibang bansa. Kahit ‘di ka na mag-make-up, ang ganda ng shots kasi ang lambot na.”


Tatlong bansa na ang narating ng aktor para mag-shoot – Barcelona, Spain para sa pelikulang Barcelona: Love Untold (2016); Lucerne at Zurich para sa Unbreak My Heart; at Morocco para nga sa LING.


Samantala, niloloko nina Direk Tonette at JP si Joshua na ang love scene raw nila ni Ivana ay hindi naman kinunan sa Morocco dahil hindi nakita ang labas.

“Saan ‘yung love scene ninyo?” tanong ni Direk Tonette.

“Sa Morocco tent,” kaswal na sagot ng aktor.


“Sa Morocco? Talaga? Sa tent ng catering, ‘yung may butas ng aircon,” humahalakhak na sabi ni Direk Tonette, na ikinatawa rin ni Joshua.


Diin ulit ng aktor, “Sa tent nga kami, sa Agafay tent, sinet-up ng production design.”

“Totoo ba? Bakit nag-tent pa kayo? Paano namin makikitang sa Morocco?” tanong ni Direk JP.


“May window naman, nandu’n ‘yung camel,” ani Joshua na ikinatawa ng lahat.

Pero sa huli ay inamin na rin ni Joshua na sa Pilipinas kinunan ang love scene nila ni Ivana dahil interior at bawal sa Morocco dahil Muslim country ito. 

Para maging komportable sila, rito na sa ‘Pinas kinunan, pero ang exterior ay sa Morocco pa rin.


Sinang-ayunan naman ito ni Direk Tonette, “Tama naman kasi mas effective ‘yun dahil sobrang mahal sa ibang bansa ‘pag interior lang. Minsan nga, natatawa ako. Kunwari Paris, so Paris interior, ang gagawin ng production design, ‘pag ‘di masyadong maingat, maglalagay ng picture ng Eiffel Tower. Sa kuwarto ba natin, may picture tayo ng Luneta Park? Kaya ‘pag napanood, sasabihin, ‘Ay, sa Paris ito kasi may picture siya ng Eiffel Tower.’”

Marami pang napag-usapan sa nasabing vlog na hindi alam ng lahat, lalo na sa mga eksena ng aktor sa mga pelikulang nagawa na niya.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page