Nagkalat na pekeng paracetamol tablet, aksyunan
ni Ryan Sison @Boses | August 2, 2024

Babala sa publiko hinggil sa pagkalat ng pekeng paracetamol tablets sa mga lokal na pamilihan.
Batay sa Advisory No. 2024-1013 ng Food and Drug Administration (FDA), pinaaalalahanan ang lahat at mga healthcare professional laban sa pagbili at paggamit ng naturang pekeng produkto.
Sa abiso na pirmado ni FDA Director General Samuel Zacate, ipinakita rito ang larawan ng pekeng paracetamol (Biogesic®) 500 mg tablet na may ibang lot number, capsule, knurling, at hitsura ng imprenta kumpara sa standard feature ng rehistradong produkto.
Binigyang-diin ng FDA na ang mga pekeng produkto ay nagdudulot ng posibleng panganib sa ating kalusugan. Kaya naman pinapayuhan ng kagawaran ang mga mamamayan na sa mga FDA-licensed establishment o botika lamang bumili ng mga gamot.
Nagbabala rin ang FDA sa mga establisimyento at mga outlet na huwag magbenta at mag-distribute ng mga pekeng gamot dahil maaari silang kasuhan.
Nakasaad sa abiso ng kagawaran na ang pag-aangkat, pagbebenta at pamamahagi nito ay paglabag sa Republic Act No. 9711 o the Food and Drug Administration Act of 2009, at Republic Act No. 8203 o the Special Law on Counterfeit Drugs, at ang sino mang mapatunayang nagbebenta ng nasabing pekeng produkto ay mapaparusahan.
Nanawagan naman ang FDA sa lahat ng local government units (LGUs) at mga otoridad na tiyaking hindi maibebenta sa merkado o magagamit ang mga pekeng gamot sa kani-kanilang nasasakupan.
Hindi talaga paawat ang mga manloloko na pati mga gamot ay nagagawa nilang pekein at ibenta sa mga kababayan.
Imagine, kapag nainom ang fake paracetamol na akala ay makakagamot pero hindi pala, malamang ang resulta mas lumala pa ang sakit.
Hindi lang iyon dahil bukod sa banta ito sa ating kalusugan, posibleng magdulot din ng drug poison sa ating katawan.
Payo natin sa mga kababayan, na huwag basta-basta bibili ng mga gamot, kahit na hindi kailangan ng reseta ng mga doktor. Magdoble-ingat tayo habang piliin nating bumili sa mga lehitimo at lisensyadong drug store para safe at hindi tayo mapahamak.
Sa kinauukulan, sana ay suriin at inspeksyunin ang mga establisimyento o botika na nagbebenta ng mga gamot dahil baka sila rin ay hindi namamalayan na ang kanilang ibinebentang gamot ay peke. Habang ang mga sangkot sa pagbebenta ng counterfeit drugs ay patawan ng kaparusahan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments