Nagkalat na nakalalasong laruan sa pamilihan at online, karamihan imported!

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | December 11, 2020
Taun-taon ay palagi na lamang naglalabas ng pahayag ang EcoWaste Coalition hinggil sa naglipanang laruan sa mga pamilihan na nagtataglay ng lason at lubhang napakadelikado sa mga bata.
Tila nagiging kalakaran na sa media na kapag kinukulang ang balita o sumasapit ang panahon ng Kapaskuhan ay palaging kinakapanayam ang grupong ito na siyang nagbibigay ng babala sa ating mga mamimili.
Naging maingay na naman ang EcoWaste Coalition matapos na muli silang bumili ng mga laruan sa bangketa at nadiskubreng nasa 105 piraso ng iba’t ibang klase ng laruan ang walang kaukulang dokumento na pawang imported.
Wala ring proper labels ang mga laruan na maliwanag na paglabag sa umiiral nating batas na Toy and Game Safety Labeling Act, o Republic Act No. 10620.
Ilegal umano ang pagbibenta ng naturang mga laruan dahil wala rin itong License To Operate (LTO) number na iniisyu ng Food and Drug Administration (FDA) upang matiyak na ligtas ang mga ipinagbibiling laruan.
Ayon sa EcoWaste, ang mga nabili nilang mga laruan mula sa mga retailer sa Caloocan, Malabon, Manila, Navotas, at Valenzuela ay may mga presyong mula P21 hanggang P164 bawat isa ay positibong may taglay na panganib sa kalusugan ng mga bata.
Lubhang napakataas umano ng led content ng naglipanang mga laruan kaya hindi dapat ibigay sa mga bata dahil maaari itong magdulot ng pagkalason sa utak ng mga bata.
Ayon sa World Health Organization (WHO) ang led poisoning ay labis na nakakaapekto sa psycho development ng isang bata at hindi agad ito nagpapakita ng masamang epekto sa mabilis na panahon ngunit unti-unti itong lumalabas habang lumalaki ang bata.
Karaniwang imported ang naglipanang mga laruang ito na itinuturing na kontrabando dahil nga sa kawalan ng kaukulang dokumento ngunit kataka-takang naglipana sa mga pamilihan.
Isa sa dapat na managot sa pagkalat ng mga nakakalasong laruan ay ang Bureau Of Customs (BOC) na tila may dapat ipaliwanag kung bakit kahit taun-taong nag-iingay ang EcoWaste Coalition ay patuloy pa rin ang pagkalat ng mga imported na laruan.
Marahil panahon na para maghigpit naman ang lokal na pamahalaan hinggil dito dahil mayroon silang police power upang kumpiskahin o patigilin ang pagbibenta ng nakakalasong laruan sa kani-kanilang lugar.
Isa pa sa dapat bantayan ay ang mga nagbebenta ng laruan online dahil wala namang nagbabawal sa kanila at palaging ang pinagbabasehan lamang ng bumibili ay ang ipinapakita nilang larawan.
Wala nang magawa ang nakabili kapag inihatid na ang kanilang in-order na laruan online kahit pa kargado ito ng nakalalasong led dahil sa polisiya nilang no return, no exchange na isa pa sa dapat pagtuunan ng pansin.
Isa pa sa napakadelikado sa mga kontrabandong laruan ay hindi ito dumaan sa pagsusuri ng FDA dahil bogus ang mga manufacturer nito at may mga ginawa silang hindi tamang paglaruan ng mga bata.
Kabilang na dito ang mga laruang binubuo at may mga piyesang maliliit na lubhang delikado kung malululon dahil wala ngang kaakibat na babala o paalala kung anong edad ito dapat.
Dahil paulit-ulit ang problemang ito sa kabila ng taun-taong panawagan ay makabubuting pagtuunan na lamang natin ng pansin ang mga mamimili na huwag nang tangkilikin ang mga laruang ito.
Lalo na ‘yung mga Ninang, Ninong at mga magulang na gumaganap na Santa Claus sa kani-kanilang anak para lamang mapasaya sa araw ng Pasko ay makabubuting ‘yung mga legal, ligtas at may tatak na laruan na lamang ang inyong bilhin.
Tandaang hindi lahat ng laruan ay puwedeng paglaruan.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o
mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments