Nagkalat ang tarpaulin na “Run Sara Run”, sino kaya ang namumulitika?
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | June 17, 2021
IMBES NA MAG-“THANK YOU” SA PAYO, TINALAKAN PA NI MAYOR SARA SI VP LENI —Ikinabahala ni Vice-President Leni Robredo ang datos na inilabas ng University of the Philippines (UP)-OCTA Research Group na posibleng maging epicenter ng COVID-19 ang Davao City sa Mindanao kung hindi mapipigilan ang pagdami ng COVID cases, at dahil d’yan ay ipinayo nito sa LGU ng Davao City na tingnan ang ginawang aksiyon ng LGU ng Cebu City na dating epicenter ng COVID-19 sa Visayas.
Imbes na magpasalamat sa payo ni VP Leni ay napikon ang mayora at tinalakan ang bise-presidente na huwag pakialaman at pulitikahin ang Davao City.
Wala namang sinabing masama si VP Leni, nagbibigay lang siya ng payo, pero ito matanggap ni Mayor Sara, boom!
◘◘◘
SA DAMI NG TARPAULIN NG “RUN SARA RUN”, KANINONG KAMPO KAYA ANG NAMUMULITIKA?—Ang atake ni Mayor Sara na namumulitika si VP Leni ay nag-boomerang sa kanya.
Binatikos siya sa social media ng mga netizens dahil hindi namumulitika si VP Leni kasi ang totoong namumulitika ay ang kampo ni Mayor Sara at patunay d’yan ang napakaraming tarpaulin na may nakasaad na “Run Sara Run” na nagkalat na sa iba’t ibang panig ng bansa, period!
◘◘◘
KAPAG PRIVATE PROPERTY NA NG PAMILYA DUTERTE ANG DAVAO CITY, D’YAN WA’ NA PAKIALAM SI VP LENI—Sa totoo lang, may “K” si VP Leni na mag-alala sa nangyayari sa Davao City kasi siya ang bise-presidente ng bansa.
Siguro, kapag naging “private property” na ng pamilya Duterte ang Davao City ay d’yan na hindi puwedeng makialam si VP Leni, boom!
◘◘◘
BILANG LINGKOD-BAYAN, DAPAT NAKIKINIG SA PAYO ANG MAG-AMANG DUTERTE—Bilang lingkod-bayan, dapat ang mag-amang Duterte ay nakikinig sa mga payo, lalo na kung ito ay makabubuti sa mamamayan at sa bayan.
Ang hirap sa mag-amang P-Duterte at Mayor Sara ay masyado silang feeling magaling, ayaw tumanggap ng payo kahit ang payo ay makabubuti, tulad nang payuhan ni VP Leni ang pangulo na mag-travel ban na sa China noong Jan 30, 2020.
Hindi ito pinakinggan, kaya heto ang Pilipinas ngayon ay mahigit 1.3-M Pinoy na nagka-COVID at higit 22-K naman ang namatay at nagdulot pa ito upang maraming kumpanya ang nagsara, milyun-milyon ang nawalan ng trabaho at naghikahos ang pammumuhay, tsk-tsk-tsk!





Comments