Nagkalat ang mga manloloko, maging alerto!
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | January 07, 2022
Mula nang tumama sa buong mundo ang pandemya ay naobliga ang mga tao na sumunod sa makabagong sistema ng ‘new normal’ na karamihan ng transaksiyon ay isinasagawa online upang maiwasang makihalubilo ng personal sa ibang tao.
Dahil sa internet at social media na siyang pangunahing gamit para sa komunikasyon at transaksiyon sa kasalukuyan sa buong mundo ay nagbukas ito ng malaking oportunidad para sa mga online scammer na umatake at makatangay ng pera.
Ngayong mabilis na naman ang pagkalat ng bagong variant ng COVID-19 na Omicron at lahat ay abala sa pagkukumahog kung paano maisasalba ang sariling kaligtasan ay inaasahang aatake na naman ang mga online scammer dahil tiyak na sasamantalahin na naman ng mga ito ang sitwasyon.
Ayon sa pahayag ng Philippine National Police (PNP) at ACG (Anti-Cybercrime Group), mula nang ipatupad ang community quarantine sa bansa ay tumaas din ang kaso ng online scam at dagsa ang mga nagsusumite ng reklamo sa kanilang tanggapan.
Nabatid na mula Marso hanggang Setyembre 2020 noong nakaraang taon ay umabot sa 869 ang naitalang insidente ng online scam na nasa 37.28% na mas mataas sa kaparehong panahon noong 2019 at hindi pa kabilang ang mga biktimang hindi naman nagreklamo.
Bukod pa riyan ay namataan din umano ang online identity theft na tumaas ng 21.27% na mula sa 298 kaso ay umakyat ito sa 362 sa loob lamang ng pitong buwan at isa na nga rito ang ‘Nagoyo scam’ sa Banco De Oro kamakailan.
Maraming klase ng online scam na bawat isa ay gumagamit ng iba’t ibang platform at sisikapin nating maihatid sa inyo ang ilan sa online scam na kailangang pag-ingatan dahil aktibo ito sa ating bansa.
Pinakamarami ang Online Banking Scam na may iba’t ibang estilo tulad ng SIM swap scam na mas kilala sa ‘palit SIM’ na karaniwang ginagawa ng mga scammer ay nagpapanggap na awtorisadong representative ng ng mobile subscriber at sila ang magre-request sa telecommunication company para palitan ang SIM gamit ang mobile number ng biktima para ma-access ang personal information tulad ng bank accounts at credit card details.
Talamak din ang ATM skimming na karaniwang ikinakabit sa mismong ATM at aakalain mong bahagi ito ng ATM dahil hindi kapansin-pansin at kapag ipinapasok mo ang iyong card ay mababasa niya ang mga detalye dahil kaya nitong magbasa ng magnetic stripes ng kahit anong card kaya ingat sa pagsaksak ng card, lalo na sa hindi mataong puwesto ng ATM.
Grabe rin ang Email phishing na karaniwang gumagamit naman ng fake website para kombinsehin ang biktima na mag-fill-up ng form gamit ang password, cad details at iba pang impormasyon at kokombinsehin pang mag-click ng link o mag-download ng attachment para mapaniwalang lehitimo ang transaksiyon.
Magkakaiba ang estilo, ngunit ang katapusan ng lahat ng ito ay upang makapagsagawa lamang ng lehitimong transaksiyon gamit ang account ng biktima na walang kamalay-malay na naubos na pala ang lahat ng kanyang pinaghirapan.
Garapalan naman ang online shopping scam dahil may mga nagpapanggap namang lehitimong kompanya gamit ang fake advertisements sa social media, fake websites at maging ang authentic e-commerce platforms para mapaniwala ang nais bumili.
Dalawa ang madalas mangyari, natangay ang pera ng biktima pero walang produktong idiniliber at mas madalas ay nagbayad ng mahal para sa isang pekeng produkto na galing lang pala sa Divisoria na lantarang iniimpake bago hakutin ng mga kilalang online deliveries.
Meron ding online identity theft na matapos nakawin ang detalye ng biktima ay gagamitin pa ito sa iba pang transaksiyon para makapanlamang o makatangay ng salapi ng iba pa at ang kawawang biktima na nanakawan na ng pera ay magiging suspek pa sa ibang nakawan.
Halos magkahalintulad naman ang money mule scam at ang email spoofing kung saan makatatanggap ang biktima ng email o mensahe mula sa social media na nagkokombinse na magsagawa ng transaksiyon para kumita, ngunit ang pakay lamang ay makuha ang detalye ng bank account.
May mga biktima rin ng SMS Phishing na ang pagkakaiba lamang sa email phishing ay umaatake ang mga scammer gamit ang text messages na nagsasabing i-click ang partikular na link na ang resulta ay makukuha rin ang personal na impormasyon ng biktima kaya dapat mag-ingat.
Marami pa rin ang biktima online lottery scam na nagsasabing nanalo ang biktima ng malaking premyo at kailangan lamang magpadala ng maliit na halaga para maproseso ang napanalunan, ngunit hindi pala totoo.
Nasalaula na rin ang online investment dahil ginagamit na rin ng mga scammer ang mga pekeng website para makapangulimbat ng pera sa mga nais mag-invest, ngunit hindi naman talaga totoong sa investment napupunta ang pera ng biktima dahil natangay na ito ng mga masasamang loob online.
Noong nakaraang taon ay umabot sa 127 advisory ang inilabas ng Securities and Exchange Commission (SEC) para paalalahanan ang publiko para hindi sila maging biktima ng mga manloloko na ngayong pagpasok ng taon ay aktibo na naman dahil nagpalit lamang umano ng mga pangalan.
Napakarami pa ng mga scam tulad ng pyramiding o Ponzi scheme, advance fee scam, crowdfunding o pagbukas sa negosyo, pasalo ng car loan scam, pero galing sa nakaw at marami pang iba na kaya dapat maging alerto dahil hangga’t may nagpapaloko, tiyak na may manloloko!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments