Nagkakanlong ng dayuhang espiya, dapat parusahan
- BULGAR

- Feb 2, 2025
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Feb. 2, 2025

Siguradong may parusang naghihintay sa sinuman na mapapatunayang nagkakanlong ng mga dayuhang espiya sa ating bansa.
Ito ang ibinabala ng Bureau of Immigration (BI) sa tinatawag na mga coddler o nagkukubli ng mga foreign spy sa bansa, na sasampahan sila ng mga kaukulang kaso dahil sa paglabag sa mga umiiral na batas ng Pilipinas.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, mahigpit silang nakikipagtulungan sa Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) upang makakuha ng impormasyon hinggil sa mga umano’y espiya na naunang inaresto ng NBI at sa mga binabantayan ng militar.
Batay sa mga inisyal na pagsusuri, aniya, ang mga foreign national ay may regular na immigration status sa ‘Pinas, na nagdaragdag sa hinala na matagumpay ng mga itong naisama o naibilang na ang kanilang sarili sa ating lipunan.
Binigyang-diin ni Viado na kapag nakumpirma nila na mayroong mga indibidwal, Pilipino man o dayuhan, na nagtago o tumulong sa mga sinasabing espiya na ito, sasampahan sila ng mga kaukulang kaso dahil sa pagkakanlong sa mga illegal aliens, na labag sa Section 46 ng Philippine Immigration Act of 1940.
Sinabi rin niyang nangako sila sa DOJ na isasampa nila ang lahat ng nararapat na kaso laban sa mga suspek at sa kanilang mga kasamahan upang matiyak na haharapin ng mga ito ang batas ng Pilipinas at mapatawan ng pinakamabigat na parusa para sa kanilang nagawang krimen.
Aniya pa, ang hakbang ay naaayon sa hangarin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking protektado ang ating bansa mula sa mga banta ng dayuhan at iba pang panganib sa pambansang soberanya.
Marahil, tama lamang ang desisyong ito ng kinauukulan na sampahan ng kaso at parusahan ang mga tutulong sa mga foreign spy o nagtatago sa mga illegal alien.
Sa ganang akin, hindi lang paglabag sa ating batas ang ginagawang pagprotekta sa mga dayuhang espiya kundi maituturing na ring pagtatraydor sa ating bayan.
Pakaisipin sana natin ang maidudulot na panganib nito sa atin sa kabuuan at tiyak na banta sa seguridad ng bansa. Alalahanin nating minsan na rin tayong sinakop ng mga dayuhan at ginawang alipin, kung saan ang iba sa atin ay naging kasangkapan pa o makapili na maihahalintulad na rin natin sa ngayon. Kaya naman sana huwag nang subukan pang magkanlong ng mga dayuhang espiya dahil tiyak na mananagot kayo sa batas.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments