Nag-audition daw sa superhero role… VICE, IBINULGAR KUNG BAKIT 'DI NAKUHANG DARNA SI KRIS
ni Beth Gelena - @Bulgary Files | May 30, 2021

Gumawa ng kuwento si Vice Ganda tungkol sa Queen of All Media na si Kris Aquino.
Sa It’s Showtime kamakailan, napag-usapan nina Vice at Vhong Navarro ang tungkol sa mga superheroes. Sino raw ba ang kanilang favorite superheroes?
Na-mention ni Vhong si Angel Locsin. Ang aktres daw ang pinaka-famous superhero ng bansa.
“Ang pinakasikat na (superhero) sa atin ay si Darna. I love Darna. Angel Locsin is the living Darna,” sambit ng comedian actor.
Ang Darna ay isang fictional Pinoy comics superhero na nilikha ni Mars Ravelo.
Ang ibang mga celebrities na gumanap sa role ng Darna ay sina Ms. Vilma Santos, Sharon Cuneta (1986), Nanette Medved (1991), Anjanette Abayari (1994), Regine Velasquez (2003), Angel Locsin (2005), at Marian Rivera (2009).
Nagbiro naman si Vice. Aniya ay nag-audition si Kris para sa role ng Darna nu’ng nagpa-audition ang Star Cinema, pero hindi ito natanggap.
“Nag-audition na dati d'yan si Kris Aquino, hindi siya nakuha.”
Ang sabi ni Vice, imbes daw kasi "Ding, ang bato" ang sabihin ni Kris, "Bim, ang bato" ang nabigkas nito, at saka sumigaw ng "Darla!" ang gay comedian.
Si Darla ang segment producer at dating sidekick ni Kris sa kanyang morning show noon sa Kapamilya Network, ang Kris TV.
Hindi naman siguro ikao-offend ni Kris na 'pinaglaruan' siya ni Vice Ganda at ginamit sa joke nito dahil friends naman sila at 'asawa' pa nga ang tawagan.





Comments