top of page

Nabawing pondo mula sa iregularidad ng SHS-VP, gamitin sa tama

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 27
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Mar. 27, 2025



Boses by Ryan Sison

Unti-unti na ring nareresolbahan ang mga isyu na kinakaharap ng Department of Education (DepEd).


Ayon sa kagawaran, humigit-kumulang Php65 milyon ang kanilang nabawi mula sa mga pribadong paaralan na na-flag dahil sa mga iregularidad sa Senior High School Voucher Program (SHS-VP) para sa mga taong 2021-2022 at 2022-2023.


Sa 54 na eskwelahang tinanggal sa SHS-VP, may kabuuang 38 ang ganap na nag-refund sa pamahalaan habang dalawa ang nagsagawa ng partial refund.


Sinabi ng DepEd na 14 sa mga iskul ang hindi pa nagbabalik ng disbursed funds, kaya naman nag-isyu sila ng final demand letter upang matiyak ang kanilang pagsunod dito.


Inaalam na rin ng kagawaran kung ang financial irregularities na ito ay tumutukoy sa tinatawag na fraud, habang nagpapatuloy pa rin ang kanilang pagsisiyasat.


Para sa kasalukuyang school year, 12 paaralan ang isinasailalim na sa review o pagsusuri ng Investigation Division ng DepEd. Bukod dito, tatlong iba pang institusyon ang isinangguni na sa National Bureau of Investigation (NBI) kasunod ng mga natuklasan ng Government Assistance and Subsidies Service (GASS).


Ang DepEd, katuwang ang Private Education Assistance Committee (PEAC), ay nagpapatupad ngayong school year ng mas mahigpit na monitoring kabilang ang cross-verification of records, full system audits, at random field visits sa mga kalahok sa programa na pribadong paaralan upang masugpo ang maling paggamit ng public funds.   


Nakatakda ring ilunsad ng PEAC ang isang second-semester validation sa susunod na buwan, habang isang billing schedule ang ilalatag nila para sa SY2025-2026 upang i-streamline ang disbursement ng pondo.


Ang mga regional at division office naman ay inatasang magsagawa ng mga inspeksyon at magsumite ng mga detalyadong report sa kanilang Central Office, at ipinatupad ang mas mahusay na pamamaraan ng validation upang matiyak na mga kuwalipikadong mag-aaral lamang ang makikinabang sa naturang voucher program.


Marahil, mas tamang isipin na sa bawat problema ay laging may solusyon at kaakibat na magandang resulta. Dahil sa pagbawi ng kagawaran sa milyun-milyong pisong halaga dulot ng iregularidad sa voucher program mula sa mga itinuturing na pasaway na mga pribadong paaralan, nadagdagan ang kanilang pondo na maaaring magamit sa pangangailangan ng sektor ng edukasyon.


Ibig lamang sabihin, kumikilos ang DepEd upang masolusyunan ang napakarami nilang problema at gumagawa rin ng mga paraan para mapabuti ang kanilang kalagayan. 

Paalala lang natin sa pamunuan ng mga iskul, panatilihin ang pagiging maayos at patas, at huwag pumasok sa anumang uri ng panloloko at ikasisira ng kredibilidad ng eskwelahan, nang sa gayon ay patuloy na magtiwala sa atin ang mga kababayan. 


Hindi rin sana mapagod ang kagawaran sa nasimulan nilang pagbabago at reporma na makatutulong sa mga mag-aaral at magpapaangat sa kalidad ng ating edukasyon.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page