Nabangga ng van, driver kinasuhan… KELVIN, FOREVER NA RAW ‘DI MAKAKA-MOVE ON SA PAGPANAW NG AMA
- BULGAR
- 9 hours ago
- 3 min read
ni Melba R. Llanera @Insider | June 30, 2026

Photo: Kelvin Miranda - IG
Malaki ang naitulong ng tuluy-tuloy na trabaho para sa aktor na si Kelvin Miranda para kayanin niya ang kalungkutan sa pagpanaw ng amang si Mr. Patricio Miranda.
Ang ama niya ay isang delivery rider na nabangga ng isang van noong nakaraang Abril.
Ayon nga kay Kelvin, kapag nasa bahay siya ay palaging pumapasok sa isip niya ang ama dahil ang bawat sulok ng bahay nila ay nagpapaalala rito.
Para sa Kapuso actor, pakiramdam niya ay hindi na siya makaka-move on sa pagkawala ng ama, lalo’t napakaraming aral ang iniwan nito sa kanila. Ilan na rito ay kailangang isipin ang bawat desisyong gagawin sa buhay dahil may epekto ito sa kanila at walang makaaalam kung ano ang ibubunga nito hangga’t hindi lumalabas ang resulta.
Madamdaming pahayag nga sa amin ni Kelvin, malakas ang presensiya at personalidad ng ama, kaya nang mawala ito ay ramdam na ramdam sa bahay nila na may nawala sa pamilya nila.
Inamin ni Kelvin na ongoing na ang isinampa nilang kaso sa nakapatay sa ama at hindi lang ang kanilang ina ang gumagawa ng desisyon, kundi ang buong pamilya.
Sa tanong namin kung may ginawa bang hakbang ang nakabangga sa ama para makipag-usap sa pamilya nila at makipag-ayos, ayaw nang magkomento tungkol dito ni Kelvin, pero ang hiling lang niya, kung talagang humihingi ito ng tawad ay ipakita ang sinseridad na nakikiramay ang mga ito sa pagkawala ng ama, bukod pa sa pagdarasal para sa kaluluwa nito.
Sa kabilang banda, pagkatapos mapanood sa Sang’gre ng Kapuso Network, abala ngayon si Kelvin sa shooting ng pelikula na umiikot sa tinatawag na termite gang o buhay ng mga miyembro ng mga magnanakaw na naghuhukay sa ilalim ng lupa. Dito ay makakasama niya ang mga premyadong aktres na sina Cherry Pie Picache at Ruby Ruiz.
Para kay Kelvin ay katuparan ito ng isa sa mga pangarap niya dahil matagal na niya talagang gustong makasama sa isang proyekto ang dalawa. Una na niyang nakasama sa pelikulang Every Juan Knows Everyone (EJKE) si Ruby, pero ito naman ang unang pagkakataon na nakatrabaho ni Kelvin si Cherry Pie.
Paglalarawan nga ng Kapuso actor, para siyang tumama sa lotto nang makatrabaho ang dalawang premyadong aktres.
TODO-DUET sina Kelvin Miranda at Isha Ponti sa LIKAS album launch at birthday celebration ng singer-composer, kung saan pinalakpakan ng mga dumalo ang kanilang rendition ng kantang Gusto Kitang Isayaw Nang Mabagal na unang pinasikat nina Daniel Padilla at Moira Dela Torre.
Ipinarinig din ni Isha ang mga kantang nakapaloob sa LIKAS album tulad ng Kabanata, Hinga, Halika, Gulong, Numero at ang mga English songs na kasama sa nasabing album tulad ng Warmth at Riversky. Kinanta rin ng singer-composer ang ilang mga sikat na kanta tulad ng Raining in Manila, What If I Miss You for the Rest of My Life, Man I Need at Leaves ng Ben&Ben.
Present din ang pamilya, mga malalapit na kaibigan at kaklase sa Enderun sa naturang event na nakisaya sa 20th birthday celebration ni Isha.
Dito ay kapansin-pansin ang malaking pagkakahawig ni Isha kay Rachelle Ann Go at ang boses naman niya ay hawig kay Aicelle Santos.
Well, pinarangalan siya ng special award na New Teen Idol Sweetheart of the Year sa katatapos na 17th Star Awards for Music dahil marami ang naniniwala na sa husay, talento at brilyo ni Isha bilang singer-composer ay malayo ang mararating nito sa music industry, lalo’t sa ngayon pa nga lang ay nakalikha na siya ng 30 kanta na ang gaganda ng lyrics at pagkakalapat ng musika.

