Museum para sa Ateneo player, may entrance fee… ALAHAS NA SUOT NG MADIR NI RENE BATERBONIA, PINAG-INITAN NG MGA NETIZENS

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | October 4, 2026

Photo: FB Rovelyn Baterbonia
Hindi raw ginagatasan o pinagkakakitaan ni Rovelyn Baterbonia ang yumao niyang anak na Ateneo basketball player na si Rene Baterbonia. Nilinaw niya ang ilang isyung ibinabato sa kanilang pamilya sa kanyang guesting sa programang Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA).
Marami na rin daw silang nalikom na cash donation mula sa mga tagahanga ni Rene.
May nagtatanong din kung bakit may entrance fee ang mga gustong makita ang little museum na ipinagawa para sa mga memorabilia ni Rene. At pati ang mga suot na alahas ni Rovelyn ay ginagawan ng isyu ng mga bashers.
Ang lahat ng paratang na ito ay itinanggi ni Mrs. Baterbonia. Ang mga alahas na suot niya at mga damit ay pawang regalo raw sa kanya ng mga fans ni Rene. At ‘yung entrance fee naman sa museum ay para sa sahod ng mga nangangalaga.
Samantala, nabanggit din ni Rovelyn sa nasabing guesting na nagsisimula na ang shooting ng pelikula tungkol sa buhay ng kanyang anak.
Si Sen. Robin Padilla daw ang producer nito, at si BB Gandanghari ang namamahala sa production at nag-aasikaso sa maraming bagay.
Doon na sa kanilang lugar namamalagi si BB para kunan ang ilang eksena. Maging si
Mariel Padilla ay bumibisita at tumutulong din.
Well, magandang ehemplo ng kabataan si Rene, kaya nararapat na isapelikula ang kanyang buhay.
Palusot ng padir ng anak sa sustento, kahit sablay… JENNYLYN, ‘DI NA PINATULAN ANG PAG-IINGAY NI PATRICK
TAMA lang na hindi na sumagot pa si Jennylyn Mercado sa mga naging pahayag ng tatay ng anak niyang si Alex Jazz na si Patrick Garcia.
Mas matatahimik ang kanyang mundo at wala na siyang dapat na ipaliwanag pa. Tutal naman ay sa kanya napunta ang simpatya ng mga tao, dahil nakaya niyang itaguyod ang kanyang anak kahit walang suporta si Patrick.
Maraming single moms ang nakaka-relate sa sitwasyon ng aktres. At least ngayon, nakatagpo siya ng isang Dennis Trillo na buong pusong tinanggap ang lahat-lahat sa kanya.
Samantala, marami naman ang nagsasabing ang babaw naman ng dahilan ni Patrick para sabihin na hindi siya nakapagbibigay ng sustento dahil ayaw ipakita ng aktres ang anak niya.
Matagal na panahon na ang lumipas, hindi man lang siya nag-effort na makipag-ayos kay Jennylyn, alang-alang man lang sa kanilang anak. May paraan naman kung paano niya ibibigay ang kanyang sustento, kahit na ayaw siyang makita ng aktres.
Natiis niya nang matagal si Alex Jazz. Ngayon, paano niya ipakikilala ang kanyang sarili sa kanyang anak? Wala silang koneksiyong mag-ama.
At hindi na rin dapat na binulabog pa ni Patrick ang tahimik na buhay ni Jennylyn.
NGAYON ang huling araw ng 3rd Puregold CinePanalo Film Festival, kung saan mapapanood pa rin ang mga kalahok na pelikula sa Full-Length category at Student Short Films.
Tapos na rin ang paggagawad ng award sa iba’t ibang category.
Nanalong Best Full-Length Film ang Mono No Aware (MNA), at Best Director si BC Amparado para sa nasabing movie.
Best Actor naman si JK Labajo, na bida sa MNA. Best Actress si Xyriel Manabat, na bida sa pelikulang Stuck on You.
Ang nanalong Best Supporting Actor ay si Zanjoe Marudo ng pelikulang Apol of My Ai kasama ang Best Child Performer na si Zion Cruz.
Itinanghal namang Best Supporting Actress si Momoko Kobayashi para sa MNA.
Matagumpay ang 3rd Puregold CinePanalo Film Festival. Pinilahan at tinangkilik ang mga kalahok na pelikula.
Nagpaabot ng pasasalamat si Direk Chris Cahilig kay Vincent Co at sa Puregold na siyang major sponsor.
Tiyak na mas bongga ang mga kalahok next year.





Comments