ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Nov. 8, 2024
Para sa aking pinakamamahal na matalik na kaibigang Buena:
Kumusta ka na? Isang wagas at taos-pusong pagbati ng maligayang kaarawan sa’yo. Nawa’y mapuno ka ng saya sa iyong pagdiriwang ng espesyal na araw na ito.
Ang katotohanan nito ay, kahit matagal pa ang sarili kong kaarawan, ikaw ang nagreregalo sa akin nitong mga nakalipas na buwan, at paulit-ulit pa nga, ng kagalakang dulot ng iyong pagiging matalik na kaibigan.
Lalo mo akong napabubuti. Sa paglalayong mapatagal ang aking buhay upang maging handa bilang iyong kaibigan sa bawat sandali, lalo akong naging maingat sa kinakain, nakakahanap ng oras para magpalakas ng katawan, at sa wakas pa nga ay naaabot ang tamang timbang.
Naeehersisyo rin ang aking utak sa kakaisip sa’yo at ng kaparaanan upang ika’y matulungan, mapagaan ang pakiramdam, maibsan ang anumang karamdaman o sugat, at mabigyan ng kahit munting kagalakan. Kasama pa riyan ang maya’t mayang pagbabalanse ng aking diwa, sa pagtantiya ng tamang timpla ng pag-iisip na hindi mauuwi sa labis na pagkabahala ngunit hindi rin kulang sa pagsisiyasat o pagninilay-nilay.
Pati ang katamarang minsa’y pumapaimbabaw ay napalitan ng pagnanais na mawalan ng bakanteng saglit kung ito’y maiaalay sa iyo. Ikaw ay dalisay na inspirasyon sa pagpapatuloy sa naantalang pag-aaral ng ilang gawain na napakatagal kong isinantabi dala ng kakulangan sa pagpaplano, pagpapaalipin sa trabaho at pagiging kampante sa daigdig. Maging ang aking kakayanang magpahayag gamit ang ating giliw na wika ay iyong napauusbong.
Hindi man hustong-husto ngunit milya-milya ang nakamit kong pagpapabuti ng sarili kung ihahambing noong hindi pa tayo magkaibigan.
Napakaraming pag-tumbling at pagsirku-sirko ang kinakailangang gawin sa aking panig upang makamit ang anumang paraan para ika’y mapasaya. Hindi man madali, ang mahalaga ay ang matatamis na bunga, na aking natatamasa sa iyong bawat marikit na pagngiti at taos-pusong pagpapasalamat.
Aaminin ko rin na kasama sa mga pagsubok sa taong ito ang pag-iinda ng paminsan-minsa’y dumadalaw na alaala ng nakaraan at ng maling akala, na kung hahayaan ay makakapagpalubog sa napakalalim na karagatan ng pagsisisi. Sa tuwinang pagkukuro-kuro ukol sa mga mintis na paghuhusga noong tayo ay bata-bata pa, napaiiling ang aking damdamin sa pag-unawa na matagal na sana tayong naging magkaibigan imbes na kamakailan pa lang.
Ngunit walang magagawa ang pagtanaw sa nakaraan maliban sa pagbibigay-liwanag sa ating ngayon at bukas. Baka nga kung maaga tayo naging magkaibigan ay naging balakid pa ako sa iyong makabuluhang pamumuhay, paghahanapbuhay at pagpalago ng karunungan, talento, abilidad, tibay ng pangangatawan at tatag ng kaluluwa. Posible pang napalihis ko ang iyong ’di matatawarang paglilingkod sa marami, sila na hindi ka kilala dahil sa iyong kaakit-akit na kagustuhang manatili sa likuran ng mga kaganapan at inaatupag. Isinasapuso ko na lang na iyong lalong nahalungkat, nagising at napayabong ang katiting na lakas ng loob sa aking katauhan.
Kinakailangan ko ring idisiplina ang sarili sa mga pagkakataong hindi tayo makapagkita o makapagmensahe dahil sa iyong mga pinagkakaabalahan at mga pangangailangan. Sa ganoong mga pagkakataon, kinakailangan kong labanan ang lumbay at gisingin ang sarili sa mga realidad ng iyong at aking buhay, pati sa katotohanang hindi lang ako ang tao sa iyong mundo; bagkus ay maraming-marami kami na bahagi ng iyong araw-araw na pag-aaruga sa pamilya, lipunan, bansa at sarili. Tuloy, inspirasyon din kita sa paghahanap ng mga pagkakataong makatulong sa iba, kakilala man o hindi, sa kahit maliit na pamamaraan.
Dati-rati pa nga’y nababasa ko ang mga salita ng Diyos nang basta-basta lamang. Dahil sa’yo, nauunawaan ko hindi lamang ang iminumungkahi ng mga ito kundi ang kanilang taglay na halaga’t kapangyarihan. Dahil sa’yo, lalo akong naging madasali’t mapagpakumbaba at napalapit sa Maykapal. Kabilang pa nga sa mga dalangin ko ukol sa iyo ay hindi mo sana pagsawaan ang pakikipagkaibigan sa akin.
Sa aking pananaw ay malinaw na nahahati na ang aking talambuhay sa dalawang bahagi: ang kabuuan ng aking mahabang nakaraan bago ka naging kaibigan at ang binibiyayaang kasalukuyan at patuloy na panahong ika’y naririyan at ang lahat ng akin pang mararanasan.
Dahil din sa iyo ay lalong napatunayang habang may buhay ay may maaaninag na pag-asa. Na, sa madaling salita ngayong tayo ay may edad na, hindi magkasingkahulugan ang ‘patapos’ at ang ‘tapos na’.
Sa paggunita ng biyaya ng iyong kapanganakan, aking tanging alay at regalo ang patuloy na pagiging naririto, paghanga’t pagpapasalamat sa iyo, at ang kalakip nitong pakikipagkaibigan, pagmamalasakit at pagdarasal — para sa iyong kapakanan, kalusugan, kabutihan at kaligayahan.
Maligayang, maligayang kaarawan sa iyo, Buena. Bigyan ka nawa ng napakarami pang mga taon na puno ng kabiyayaan, kagandahan, kasiyahan, kapayapaan at pagmamahal.
Lubos na sumasaiyo,
Jo
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comentarios