top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Muling nasilayan ang dugong bayani ng Pinoy

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 20, 2020
  • 3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 20, 2020



Ilang pagkakataon at ilang pagsubok na ang dumating sa ating bansa na kahit sa maraming bagay ay hindi nagkakasundo ang maraming Pilipino ay lumalabas talaga ang ating pagkakaisa at pagiging bayani sa oras ng kagipitan.


Tulad ng mga usapin sa pulitika sa ating bansa, na mas madalas kaysa hindi na magkakahiwalay tayo ng opinyon na karaniwang nauuwi pa sa personalan at pagkakagalit-galit ng ating mga kababayan.


Nitong magkasunod na pagdaan ng Bagyong Quinta at Rolly sa ating bansa ay napakaraming lugar din ang labis na nawasak ang ari-arian ng marami sa ating kababayan at dito ay nasaksihan ang pagdagsa ng mga tulong mula’t mula sa mga lugar na hindi naapektuhan ng bagyo.


Tulad ng pagdating ng saku-sakong bigas, de-lata, inuming tubig at maging ang ayuda ng mga electric company mula sa iba’t ibang lugar na hindi naapektuhan ng bagyo ay dumagsa sa mga lugar na labis na nasalanta upang agad na maibalik ang serbisyo ng kuryente.


Nitong huli sa pagragasa ng Bagyong Ulysses ay kitang-kita na naman ang iba’t ibang klase ng kabayanihan ng ating mga kababayan na lahat ay nagsusumikap makatulong sa kani-kanilang paraan.


May ilang grupo ng mga motorcycle rider ang nagsama-sama sa kasagsagan ng Bagyong Ulysses at sa pamamagitan ng social media ay nakakapagresponde sila ng tulong sa mga lugar ng Pasig, Marikina at mga karatig-lugar.


Naagaw din ng ating pansin ang isa sa mga rescue team na nagtungo pa ng Cagayan upang sumagip ng mga residenteng lubog sa baha at ilang oras nang nakatengga sa kani-kanilang bubungan.


Siya si Kelly Villarao, kawani ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ay bulontaryong pabalik-balik na nilalangoy ang bahagi ng Bgy. Linao sa Tuguegarao City upang iligtas ang mga kababayan nating naipit sa mga bubong ng bahay dahil sa malalim na baha.


Sa gitna ng isinasagawa nilang operasyon noong Nobyembre 13, ay nakuryente sa isang nakalawit na kable itong si Villarao na naging dahilan ng kanyang pagkasawi na labis na ikinalungkot ng maraming kababayan nating kanyang nailikas.


Ang napakasakit pa, si Villarao ay may 5-buwang anak na naghihintay sa kanyang pag-uwi at walang kamalay-malay na hindi na niya masisilayang buhay ang kanyang ama.


Nasawi rin ang dalawang empleyado ng Department of Public Works and Highways (DPWH)-Ifugao 2nd District Engineering Office na sina Joel B. Chur-ig, 47, ng Lagawe, Ifugao at Johnny M. Duccog, 57, ng Chango, Viewpoint Banaue, Ifugao.


Natabunan ang dalawang nasawi kasama ang ilan nilang kasamahan nang gumuho ang lupa na tumabon sa kanila habang nagsasagawa sila ng clearing operation sa Viewpoint Banaue, Ifugao.


Binawian din buhay ang magkaibigan mula pagkabata nang sabay nilang respondehan gamit ang isang bangka ang mag-inang humihingi ng saklolo matapos makulong sa malalim na baha sa kanilang tahanan sa Alacala, Cagayan.


Habang sakay ng magkaibigang Neri Abalos at Randy Valdes ang sinaklolohan nilang mag-ina sa kanilang Bangka ay nakuryente ang magkaibigan sa nakalawit na kable na kanilang ikinasawi bago sila inanod papalayo ng rumaragasang tubig.


Nakaligtas ang mag-ina ngunit hindi ang magkaibigang inabot pa ng ilang araw bago natagpuan ang mga bangkay. Kilala ang magkaibigan na palaging sumasaklolo tuwing may mga pagbaha sa kanilang lugar.


Marami pang handang tumulong sa ating mga kababayan na talagang lumalabas ang pagiging dugong bayani sa oras ng pangangailangan at hindi na alintana ang sariling buhay basta’t makapaghandog lamang ng tulong sa ating mga kababayan.


Hanggang ngayon ay hindi pa rin tumitigil ang napakaraming kaanib ng rescue operation na ginagalugad ang malalalim na bahagi ng Isabela at Cagayan upang hanapin ang nawawala nating mga kababayan na ang ilan ay pinaniniwalaang naghandog din ng tulong.


At sa pagitan ng mga kabayanihang ito ay may mga kababayan pa rin tayong sadyang ipinanganak na kontrabida—ito ang mga basher na walang ginawa kung hindi ang maghanap ng maipipintas sa kabutihang isinasagawa ng ating mga kababayan at naninira sa social media.


Sa mga dugong bayani nating kababayan, tuloy lang ang kabutihan at huwag pansinin ang mga naninira dahil higit na mas marami ang ating mga kababayan ang nagpapasalamat at sumasaludo sa inyong kabutihan.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page