Motorcade ng mga kandidato, ‘wag sanang maging perhuwisyo
- BULGAR
- Mar 29
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Mar. 29, 2025

Eleksyon na naman. At alam na natin ang ibig sabihin nito, mga campaign jingle na paulit-ulit, kaliwa’t kanang poster ng mga kandidato na nakangiti, at siyempre ang walang patid na caravan at motorcade na humaharang sa mga kalsada. Pero sa pagkakataong ito, may pagbabago na tayong makikita.
Nagpaalala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na simula ngayong halalan, ang mga election-related motorcade ay papayagan lamang tuwing weekends at holidays.
Ayon kay MMDA Chairperson Romando Artes, hindi na sila magbibigay ng permit para sa mga aktibidad na ito sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila tuwing weekdays.
Malinaw na trapik ang dahilan. Hindi biro ang bigat ng daloy ng sasakyan sa lungsod, lalo na rush hour. Araw-araw, libu-libong komyuter ang nai-stranded dahil siksikan ang mga sasakyan. Dagdagan pa ng mga kandidato na sasabay sa pagharurot ng mga behikulo, dala ang kanilang campaign materials, talagang magiging parking lot na lang ang mga kalsada.
Kaya ang tanong, dapat ba nating ikatuwa ang hakbang na ito ng MMDA? Para sa mga komyuter at motorista, malaking ginhawa ito. Ibig sabihin, kahit papaano ay mababawasan ang matinding trapik tuwing Lunes hanggang Biyernes.
Subalit para sa mga kandidato, ito ay isang hamon sa kanilang kampanya dahil limitado ang kanilang galaw, at kailangan nilang pag-isipan nang maigi kung paano sila makakarating sa mas maraming botante ng hindi nagdudulot ng abala.
Pero higit sa lahat, isa rin itong paalala na ang eleksyon ay hindi dapat maging pahirap para sa mga ordinaryong Pilipino. Mahalaga ang kampanya, subalit mas mahalaga ang araw-araw na pamumuhay ng mga tao gaya ng pagpasok sa trabaho at eskwelahan, at ang maayos na pag-uwi sa kani-kanyang tahanan.
Bukod dito, pinaalalahanan din ni Artes ang mga kandidato na kumuha ng road user permits bago magsagawa ng kanilang motorcade o caravan, kaya hindi sila puwedeng bara-bara sa pangangampanya. Dapat may malinaw na plano, may koordinasyon sa mga otoridad, at may konsiderasyon sa mga tao.
Ngayon, bahala na ang mga kandidato kung paano nila gagamitin ang natitirang campaign period nang hindi nagdudulot ng perhuwisyo. At bilang botante, nasa atin ang responsibilidad na suriin kung sino sa kanila ang may tunay na malasakit, hindi lang sa oras ng kampanya kundi sa pang-araw-araw na serbisyo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments