Mister, matindi ang 'karibal'… LIZA, UMAMING HIRAP NA SI AIZA SA SITWASYON NILA, 'DI LANG MAKAPALAG
- BULGAR

- Sep 25, 2020
- 3 min read
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | September 25, 2020

For the nth time ay muling ipinagdiinan ni Ms. Liza Diño na wala siyang planong pumasok sa pulitika pagkatapos ng stint niya bilang pinuno ng Film Development Council of the Philippines.
“Oo nga, the last time, sabi ko, hindi ako tatakbong senador. Grabe ang mga title, pero ang ganda ng loob, ‘yung title lang,” tumatawang sabi ni Ms. Liza.
Dagdag pa niya, “Nababasa ko sa Twitter, pero sa umpisa pa lang, sinabing pinabulaanan ko, kaya paano ako magri-react?”
Diretsong tanong namin, ano'ng plano niya pagkatapos ng FDCP?
“Maging wife. Nag-aabang na ‘yung asawa ko sa akin. Maging wife, maging nanay, ‘yan ang mga nakaligtaan ko for 4 years. Nakakatawa lang pero sa totoo lang, nagtatampo sila.
“Hindi rin sila makaalma kasi alam nilang para sa ibang tao ‘yung ginagawa ko, so kahit na nasasaktan sila nang personal, hindi sila puwedeng (magreklamo). Sobrang supportive sila (Aiza at anak).
“'Yung daughter ko, dapat pandemic, mas nakikita niya ako. Kaso buong araw na ako rito, walang lumalabas dito sa terrace namin, walang gumagambala sa akin. Nasa labas ako ng bahay. Two weeks na akong hindi ko sila naipagluluto. Kasi sa mga meetings ko, maaga na ‘yung 11 PM na matapos itong the whole September.”
Samantala, magbubukas na ang mga sinehan sa Metro Manila pero limitado ang mga makakapasok para makapanood ng pelikula at dapat susunod pa rin sa health protocols, ayon kay Ms. Liza.
“Dapat kasi, MECQ, puwede na, eh, nasa GCQ tayo, so malalaman natin ngayong katapusan.”
Binanggit namin na kung magsisimula ang 4th Pista ng Pelikulang Pilipino sa Oktubre 31 hanggang Nobyembre 15 ay posibleng mapanood na sa mga sinehan ang mga kalahok na pelikula.
“We’re thinking that, we’re exploring that kasi panibagong discussion ‘yan with the producers. I’m sure they will have preferred that pero ngayon kasi kaya namin nakuha itong napakaraming films (100 films) ay iisa lang ang transaction, so 100% of the proceeds will go to them (producers),” pahayag ng hepe ng FDCP.
Nabanggit pa na ang gaganda raw ng line-up ng mga pelikulang kasama sa 4th PPP at mairi-release ang buong listahan sa Setyembre 30.
Ang PPP Online 2020 ay omnibus project na pamumunuan ng FDCP. Tampok dito ang mga pelikula mula sa local film festivals tulad ng Cinemalaya Philippine Independent Film Festival, Sinag Maynila Film Festival, Cinema One Originals Film Festival, CineFilipino Film Festival, ToFarm Film Festival, QCinema International, Film Festival, at Metro Manila Film Festival, pati na rin mula sa iba’t ibang producers at regional film festivals, at mula sa PPP, CineMarya Women’s Film Festival, at Sine Kabataan ng FDCP.
“PPP4, Sama All” ang bagong slogan ng nationwide film festival na hango sa sikat na “sana all.”
Mayroong 13 curated sections ang PPP 2020 — Premium, Classics, Documentary, Romance, Youth and Family, Genre, Regional Full-Length, Philippine Submissions to the Oscars, PPP Retro, LGBT, at Tributes para sa mga yumaong haligi ng industriya, at kasama rin ang CineMarya at Sine Kabataan.
Sa Premium section ay kasama ang mga pelikulang nagkaroon ng limited release o hindi pa naipapalabas sa Pilipinas habang kabilang sa Classics section ang mga obra ng National Artists for Cinema o films mula sa Philippine Film Archive Collection ng FDCP gaya ng Genghis Khan (1950) ni Manuel Conde, Manila by Night (1980) ni Ishmael Bernal, at White Slavery (1985) ni Lino Brocka.
At dahil maraming pelikula ang kasali mula sa iba’t ibang producers ay ibig sabihin, okay na kay Ms. Liza.
“Siguro, kailangan ng pormal na pag-uusap pero individually, we started talking na. Siguro, ano lang, nu’ng pandemic, lahat, parang on the edge. Siguro, nagulat lahat na bakit may mga ganitong mga rules. Sana, makita nila na we only have good intentions, walang masamang tinapay sa FDCP,” paliwanag ni Ms. Diño.





Comments