top of page

Missing sabungeros at flood control project scam, same lang, multibilyonaryo at malakas ang kapit ng ‘mastermind’

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 17, 2025
  • 2 min read

ni Ka Ambo @Bistado | September 17, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Nasapawan na ng katiwalian sa flood control projects ang isyu sa mga nawawalang sabungero.


Sa pinakahuling ulat, sinasabing walang “DNA” ng mga kaanak ng biktima ang nag-match sa mga epektos na narekober sa Taal Lake.

As expected!


----$$$--


WALANG “body of the crime” at walang direktang physical evidence laban sa mastermind, delikadong maabsuwelto ang mga kolokoy.


Ibig sabihin din, ang mas malalakas na ebidensya ay nakapokus laban lamang sa mga whistleblower.


----$$$--


DAPAT nating maunawaan na ang huwes o ang husgado ay magdedesisyon, hindi batay sa “wento-wento” o ispekulasyon o kongklusyon na nakapundasyon sa tsismis, bagkus ay magdedesisyon sila batay sa “ebidensya” na isinumite sa hukuman.


Maaaring may matitibay na ebidensya, pero ito ay dapat pisikal na dalhin sa hukuman o iharap kung saan — iyan ang pagbabatayan ng hatol.


----$$$--


INAAMIN ng ilang eksperto na tumagal ang pagsasampa ng kaso dahil kailangan ang mas matitibay na ebidensya.


Iyan ang dahilan kung bakit ang mga drug lord, gambling lord, smuggling lord -- ay nakakalusot sa kaso -- walang direktang ebidensya laban sa kanila.


----$$$--


KAHIT sa America, nahihirapan ang hukuman na hatulan ng “guilty” ang mga utak ng krimen o lider ng mafia — dahil sa kawalan ng matibay na ebidensya.


Pero, may taktika ang korte upang mahatulan ang isang mastermind batay sa ebidensya — ito ay ang paglabag sa “TAXATION” act o hindi maayos na pagbabayad ng buwis.


-----$$$--


SA isyu ng missing sabungeros — itinatanong, sino sa mastermind at whistleblower — ang mas guilty kung pagbabatayan ang mga nalikom na ebidensya.

Ang masakit, ang ebidensya ay mas nakatuon laban sa mga whistleblower kaysa sa sinasabing mastermind.


Ito ay dahil sa umaamin at naglalabas ng ebidensya laban mismo “sa kanilang sarili” ang mga whistleblower.


-----$$$--


HINDI nagkakalayo ang kaso sa missing sabungeros sa kaso sa korupsiyon sa flood control projects.


Kakaunti rin o halos walang mahahagilap na matibay na ebidensya laban sa hinihinalang “utak ng flood control project scam”.


Pero, mas malinaw ang ebidensya kontra sa mga sinasabing nais maging “whistleblower”.


----$$$--


MALINAW kung gayon na ang “isyu sa whistleblower” o argumento hinggil dito — ay parehong maia-apply sa dalawang kaso.


Ibig sabihin, kung papayagan ng hukuman na kilalanin ang whistleblower sa kaso ng missing sabungeros, dapat ding kilalanin ng gobyerno ang mga “whistleblower” sa flood control projects.


-----$$$--


KUNG makakatakas sa kamandag ng batas ang utak ng flood control project modus operandi, makakatakas din ang hinihinalang utak sa missing sabungeros.


May parehong sitwasyon ang dalawang kaso — multibilyonaryo at malalakas ang kapit at koneksyon ng mga hinihinalang mastermind.


---$$$--


KUNG gaano kahirap mahatulan ang utak ng krimen sa missing sabungeros, lalong mahirap mahatulan ang mga tunay na utak sa katiwalian sa flood control.

Anumang klase ng imbestigasyon — ay tiyak na lalamon ng maraming taon — kapwa sa missing sabungeros at flood control projects scam.


Samantala, magpakasaya tayo sa social media sa panonood sa mala-teleseryeng palitan ng alingasngas at patutsadahan.


---$$$--


MAGDASAL tayo na may mahatulan agad sa dalawang kasong ito na isang “suntok-sa-buwan”.


Utak, whistleblower o fall guys.

Kuno!




Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page