'Misis' ni Tekla, buking na todo-palusot sa drug test…
- BULGAR

- Oct 29, 2020
- 2 min read
RAFFY, BINAWI NA LAHAT NG PRAMIS NA TULONG KAY MICHELLE
ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | October 29, 2020

Tila nabunutan na ng tinik si Super Tekla matapos ang pagkakaayos at pagkakapatawaran nila ng dating live-in partner na si Michelle Lhor Bana-ag. Nag-post na ang komedyante ng pasasalamat sa kanyang Facebook account.
Isa sa mga unang pinasalamatan ng komedyante ay ang kaibigang si Donita Nose sa pagtatanggol sa kanya at hindi raw siya talaga iniwan sa gitna ng controversy.
Pinasalamatan niya rin ang lahat ng taong sumuporta at naniwala sa kanya.
Ngayong tapos na ang issue at nanaig na ang katotohanan, ayon kay Tekla ay pipilitin niyang bumangon at magsimulang muli. Nakiusap siya na huwag na raw i-bash pa si Michelle at ang pamilya nito.
Aniya ay mas pinili na raw niyang magpatawad kaysa manaig ang poot.
“Natapos na ang unos at pagsubok, let’s forget and forgive. At sa lahat ng humusga pinatawad ko na kayong lahat dahil mas ikagagaan ng kalooban ko 'yun,” pahayag ni Tekla sa kanyang FB post.
Ibinalita ni Michelle sa radio program ni Raffy Tulfo na Raffy Tulfo in Action na nagkaayos na sila ni Tekla, maayos na naghiwalay at nagkaroon ng kasulatan.
Pero ang hindi nagustuhan ni Raffy ay ang pag-atras ni Michelle sa drug test at lie detector test, dahilan para maghinala ang veteran broadcaster na may itinatago ito.
Katwiran ni Michelle ay pinigilan siya ng kanyang tiyahin dahil may binat pa siya at hindi raw dapat pinapagalaw ang buhok since hair follicle testing ang gagawin sa partner ni Tekla.
Pero, hindi kumbinsido si Raffy sa excuse ni Michelle.
“Michelle, Michelle, Michelle, mukhang sinunog mo ang sarili mo sa akin. Mabibinat ka? Eh, ang gagawin naman sa buhok, hindi 'yun bubunutin, bagkus ay guguntingin lang. Sinabi na sa iyo ng staff 'yun. Paano ka mabibinat du'n, eh, hindi naman 'yun hihilahin, 'yung mga buhok mo, 100 (pcs.) lang ng buhok mo, parang nagpagupit ka lang,” sabi ni Raffy.
"Meron ka talagang itinatago, you're lying!" ang diretsang sabi ni Tulfo kay Michelle.
Dahil dito ay umatras na si Raffy sa lahat ng tulong na ipinangako niya kay Michelle at sa pamilya nito.





Comments