top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Misis, gustung-gusto nang magpaturok, pinigilan… ROBIN AT MARIEL, NAGTALO DAHIL SA COVID-19 VACCINE

BULGAR
Apr 17, 2021
2 min read

ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | April 17, 2021




Dumaan din sa tamang proseso ang mag-asawang Robin Padilla at Mariel Rodriguez para magpabakuna laban sa COVID-19. Sa ngayon ay natapos na raw silang magparehistro pati na ang lahat ng kasama nila sa bahay.


Ipinost ni Robin ang video nila ni Mariel kung saan ay ikinukuwento nga nila ang ginawang pagpaparehistro. Ayon kay Binoe sa caption, ever since raw ay hindi siya naniniwala sa vaccine at halos ayaw na ayaw daw niyang binabakunahan ang mga anak niya. Kinailangan pa raw ng mahabang pagtatalo bago siya pumayag.


Pero naiba raw ang mindset niya dahil sa COVID-19 at ngayon, naniniwala siyang ang bakuna raw ang tanging pag-asa para bumalik sa normal ang lahat.


"Parehas lang po tayong natatakot, pero wala po tayong magagawa sa ngayon kundi ang sumugal sa vaccine.


“Hirap na po ang lahat at bago pa tuluyang manghina ang ating mga katawan sa pagkabalisa, kunin na natin ang pagkakataon na ito para matapos na ang virus na ito.


“Maging maingat na lang po tayo sa pamamagitan ng pagtatanong sa mga tunay na nakakaalam sa gobyerno patungkol sa mga kinakatakutan natin sa pagpapabakuna.


“Ihanda ang isip at ang katawan dahil ang pinakamahalaga po kasi dito ay maniwala tayo sa isasaksak sa atin para magkaroon ng magandang epekto.


“Mga sundalo po tayo lahat ngayon sa laban na ito sa coronavirus at ang tanging available na sandata natin ay ang vaccine.


“Magtiwala tayo sa Panginoong Diyos at sa World Health Organization, wala pong maitutulong sa atin ang pagrereklamo at pagtatalo. Ito na po ang oras para magtulung-tulong para bumangon ang bayan. Let's DOH it!


"Panoorin po ninyo sa Facebook ni Mariel Rodriguez-Padilla ang buong pagtatalo ng video na ito,” ang parte ng mahabang caption ni Binoe.


Sa video ay nakakatuwa ang naging pagtatalo ng mag-asawa. Ibinuking kasi ni Mariel na gusto na raw sana niyang sumabay sa pagpapabakuna ng lolo at lola niya since senior citizens ang mga ito pero hindi raw siya pinayagan ni Binoe.


“Pinigilan ako ni Robin. Ako talaga, gusto ko nang pumunta ru’n. Sabi ko, ihahatid ko ang lolo at lola ko, siyempre, 'pag nandu’n na ako, baka naman tuturukan na nila ako, 'di ba? Ayaw (ni Robin), pinigilan ako!” kuwento ni Mariel.


Sabi naman ni Binoe, “Hindi puwede! Wala ka pa ru’n sa priority.”


Sey pa ng action star, “Ang sabi kasi sa batas, frontliner, saka senior citizens (ang priority).”


Sey naman ni Mariel ay naiintindihan daw niya. Pero sa bandang huli ay binalikan ni Binoe ang usapang ito at nagdagdag ng paliwanag na hindi naman daw sa ayaw niyang maunang mabakunahan si Mariel.


“Teka muna, Babe. Wala naman akong problema ru’n na mauna siya. Kasi, sa akin naman, magandang example ‘yun sa mga tao, na makita nila na si Mariel, hindi natakot, nagpabakuna.


“Ang problema ko, Babe, ang daming mga taong gagawa ng istorya, ang sasabihin, nagpa-VIP ka,” paliwanag ni Binoe.


Pagkatapos ay tinanong niya si Mariel kung hindi na ba ito galit at sinagot naman ni misis na hindi naman daw siya galit at na-gets naman daw niya.


“O, kiss mo na ‘ko,” sey ni Binoe kay Mariel na sinunod naman ng huli.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page