ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Oct. 19, 2024
Dear Chief Acosta,
Ikinasal kami ni Jed noong taong 2019. Bago kami ikinasal, wala kaming anumang pinirmahang kasunduan o pre-nuptial agreement. Namatay ang aking ama noong 2020. Dahil ako ay nag-iisang anak, minana ko ang ilan sa ari-arian ng aking tatay.
Napagdesisyunan namin ng nanay ko na ang lupang naiwan ng tatay ko sa Bicol ay ipangalan sa akin. Gusto ko sanang magbukas ng isang negosyo ngayon kaya kailangan ko ng puhunan, ngunit hindi sang-ayon si Jed na ako ay magnegosyo kaya ayaw rin niya akong tulungan sa puhunan. Naisip kong ibenta ang aking minanang lupa. Kailangan ko pa ba ang pagsang-ayon o pagpayag ng aking asawa para maibenta ang lupa sa Bicol? – Kaira
Dear Kaira,
Ayon sa Article 92 ng ating Family Code of the Philippines, ang mga ari-ariang minana ng isang tao habang siya ay kasal na ay kabilang sa kanyang sariling pag-aari lamang. Narito ang nakasaad sa batas:
“ARTICLE 92. The following shall be excluded from the community property:
Property acquired during the marriage by gratuitous title by either spouse, and the fruits as well as the income thereof, if any, unless it is expressly provided by the donor, testator or grantor that they shall form part of the community property;
Property for personal and exclusive use of either spouse; however, jewelry shall form part of the community property;
Property acquired before the marriage by either spouse who has legitimate descendants by a former marriage, and the fruits as well as the income, if any, of such property;”
Upang ating maunawaan ng lubos, kailangan nating alamin ang mga batas patungkol dito. Ayon sa Article 1 ng Family Code of the Philippines, may kalayaan ang nais magpakasal na gumawa ng isang kasunduan tungkol sa magiging kalagayan ng kanilang mga pag-aari sa oras na sila ay ikasal. Ang kasunduang ito ay tinatawag na pre-nuptial agreement. Kailangang gawin ito bago ikasal at naaayon sa batas.
Ang tanong, paano kung walang ginawang kasunduan bago ang kasal? Nakasaad sa Article 75 ng Family Code of the Philippines na:
“ARTICLE 75. The future spouse may, in the marriage settlements, agree upon the regime of absolute community, conjugal partnership of gains, complete separation of property, or any other regime. In the absence of a marriage settlements, or when the regime agreed upon is void, the system of absolute community of property as established in this Code shall govern.”
Samakatuwid, kung walang kasunduan ang nais magpakasal patungkol sa kanilang pag-aari at magiging pag-aari, ang susundin ay ang tinatawag na absolute community of property. Sa ganitong sitwasyon, ang lahat ng ari-arian ng mga magpapakasal bago sila ikasal at ang kanilang magiging ari-arian pagkatapos nilang ikasal ay mabibilang sa community property. Ang mga ito ay magiging pag-aari nilang mag-asawa, maliban na lang kung ito ay ibinubukod ng batas.
Isa sa mga eksepsyon sa tinatawag na community property ay ang mga ari-arian na natanggap nang walang bayad ng isa sa mag-asawa habang siya ay kasal. Ang isang halimbawa nito ay kung nagmana ang isa sa mag-asawa ng ari-arian mula sa kanyang yumaong magulang, sa panahon na siya ay kasal na.
Sa iyong kalagayan, minana mo ang lupa sa Bicol mula sa iyong yumaong ama habang ikaw ay kasal kay Jed. Ang nasabing lupa ay maaaring maibilang sa iyong sariling pag-aari dahil ito ay tinanggap mo nang walang bayad sa iyong yumaong ama, sa pamamagitan ng pamana. Dahil dito, maaari mong ibenta ang nasabing lupa kahit hindi mo kunin ang pagpayag ni Jed hinggil dito.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments