Milyun-milyong DDS baka lumabas sa lansangan, ‘pag itinuloy kasong plunder kay VP Sara
- BULGAR

- Oct 29, 2024
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Oct. 29, 2024

PLUNDER CASE PALA ANG PLANO NG TROPA NI SPEAKER ROMUALDEZ KAY VP SARA, HINDI IMPEACHMENT -- Irerekomenda raw ng Kamara na sampahan ng kasong plunder si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio dahil hindi umano maipaliwanag ng bise presidente kung saan niya ginasta ang P112 milyong confidential fund noong siya pa ang kalihim ng Dept. of Education (DepEd).
Kaya naman pala nasabi noon ni Speaker Martin Romualdez na wala raw katotohanan na ii-impeach nila si VP Sara kasi iba pala ang kanilang plano, at ito ay ang sampahan ng kasong plunder ang bise presidente.
Sa totoo lang, malaking gulo iyang plunder case na isasampa kay VP Sara kasi malaki ang posibilidad na lumabas sa lansangan ang milyun-milyong Duterte Diehard Supporters (DDS) para protektahan ang bise presidente, period!
XXX
MGA CONG. NA NAGPONDO SA ‘BLOODY’ DRUG WAR NI EX-P-DUTERTE, SABIT DIN SA EJK -- Natorete ang Quad Committee ng Kamara sa ibinulgar ng kapwa nila kongresista na si dating Speaker Pantaleon Alvarez na ang House of Representatives daw ang nag-aprub para pondohan ang drug war noon ni ex-P-Duterte. Ayon nga kay Cong. Alvarez, kung accountability daw ang pag-uusapan, may pananagutan din dito ang mga kongresistang nag-apruba ng budget sa war on drugs ng nakaraang Duterte administration.
Matotorete talaga ang mga kongresistang nag-iimbestiga ngayon sa naganap na extrajudicial killings (EJK) sa bansa, kasi lumalabas na sabit din pala sila sa ‘bloody’ drug war ni ex-P-Duterte, he-he-he!
XXX
SA PANAHON NG DRUG WAR NI EX-P-DUTERTE, NAGKANDAWALAAN SA KALSADA, MGA TULAK AT ADIK NG DROGA -- Sabi ni Sen. Ronald Dela Rosa na hindi raw niya pinagsisihan ang pinamunuan niyang ‘bloody’ drug war noong siya pa ang chief ng Philippine National Police (PNP), at kung mabibigyan daw uli siya ng pagkakataon na pamunuan ang kampanya laban sa droga ay uulitin niya para raw matiyak ang kaligtasan ng mamamayan laban sa mga tulak at adik sa droga.
Kung sabagay, may punto naman si Sen. Dela Rosa sa sinabi niyang ito kasi sa totoo lang, sa panahon ng drug war ni ex-P-Duterte ay talaga namang nagkandawala sa lansangan ang mga tulak at adik ng shabu, period!
XXX
MGA DRUG LORD, SMUGGLER AT ILLEGAL LOGGER, JOIN NA RIN SA ELEKSYON -- Hindi lang ang mga “Kamag-anak Inc.,” celebrity, vloggers ang mga nagsipag-file ng certificate of candidacy (COC) noong October 1-8, kasi meron ding mga kakandidatong drug lords, smugglers at illegal loggers.
Isipin n’yo na lang, kung ang lahat ng mga iyan ay magsisipagwagi sa halalan, susmaryosep, talagang ang patutunguhan ng ‘Pinas ay palubog.
Iyan ang sistema ng pulitika sa bansa, pa-bad nang pa-bad, boom!








Comments