Milyun-milyon na ang mga nagpabakuna, ayos!
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | October 23, 2021
Nasa huling parte na tayo ng 2021 at mahirap pa ring paniwalaan ang lahat ng ating mga pinagdaanan nitong nakaraang taon. Sa kabila ng mga suliranin na ating hinarap, patuloy tayong lumalaban para sa kabutihan ng lahat, lalo na ‘yung mahihirap at walang ibang matakbuhan.
Nakatutuwang ibalita na patuloy ang pagbaba ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Noong Oktubre 20, 2021 merong 3,656 bagong kaso sa bansa, ang pinakamababang bilang sa mahigit tatlong buwan.
Ayon sa Department of Health, napapansin na ang downward trend sa NCR sa loob ng dalawang linggo na. Gayundin, ang nangyayari sa Cebu, Davao, Batangas, Bulacan, Cavite, Laguna, Pampanga at Rizal na noon ay tinaguriang mga hotspots ng pandemya.
Ngunit, tulad ng palagi nating sinasabi, huwag tayong magpakakampante dahil hindi pa tapos ang laban. Sumunod pa rin tayo sa mga health protocols at iengganyo natin ang ating mga kasamahan sa komunidad na magpabakuna na. Huwag nating sayangin ang pagsisikap ng ating mga kawani sa gobyerno, healthcare workers, frontliners, at higit sa lahat, ang kooperasyon at disiplina ng bawat Pilipino.
Patuloy ang vaccine rollout sa buong bansa kung saan meron ng mahigit 53.84 milyong Pilipino ang nabakunahan, as of October 20. Mahigit 28.96 milyong Pilipino ang nabigyan ng kanilang first dose at may dagdag 24.88 milyong Pilipino ang nakakumpleto na ng bakuna. Meron na rin tayong mahigit 92.96 milyong doses na dumating na sa bansa. Sa mga nag-aalinlangan pa, kung mahal ninyo ang inyong pamilya at bilang tulong sa ating komunidad, pakiusap lang,
magpabakuna na kayo!
Kung mas bababa pa ang bilang ng nagkakasakit at patuloy na tataas ang mga nabakunahan, mas luluwag ang mga patakaran at unti-unti na nating mabubuksan muli ang ekonomiya. Kaya nananawagan tayo sa lahat na magkaisa tayo para mabilis nating malampasan ang pandemyang ito.
Bayanihan at bakuna muna bago ang pulitika. Kung kaya’t patuloy pa ang ating pag-iikot upang tulungan ang ating mga kababayan na nangangailangan sa iba’t ibang parte ng bansa.
Dumayo kami sa Eastern Samar sa Lawaan, Balangiga, Quinapondan, Giporlos, Hernani at Mercedes upang suportahan ang mga sectoral groups doon. Nasa 8,000 residente rin ang ating tinulungan sa mga bayan ng Lezo, Malinao, Numancia, Tangalan, Ibajay, Makato, Nabas at Buruanga sa Aklan; at 126 na mahihirap naman sa Catarman, Camiguin.
Aabot sa mahigit 2,000 micro-entrepreneurs, solo parents at PWDs ang napadalhan din ng tulong sa Balingasag, Lagonglong, Binaungan, Balingoan, Medina, Sugbongcogon, Magsaysay, at Talisayan sa Misamis Oriental.
Nag-abot din tayo ng suporta sa 370 maliliit na negosyante sa Pasil, Kalinga; mahigit 9,000 na indigents sa Tarlac City at Moncada sa Tarlac province; libu-libong mga TODA members, market vendors at farmers sa Iba, Zambales; at ilang mga magsasaka sa Cagayan de Oro City.
Nag-abot din tayo ng ayuda sa mga biktima ng mga nagdaang bagyo, tulad ng mahigit 5,000 biktima ng Bagyong Maring sa Santa Teresita, Buguey, Aparri, Santa Ana at Gonzaga sa Cagayan province; 557 na mga biktima ng Bagyong Jolina sa Boac, Marinduque; at halos 3,000 na mga pamilyang apektado ng nakaraang sakuna sa Tiwi, at Malinao sa Albay.
Personal tayong bumisita kamakailan sa Cagayan Valley Medical Center sa Tuguegarao City upang bisitahin ang operasyon ng Malasakit Center doon at para mag-abot din ng tulong sa 700 pasyente at 2,560 frontliners sa nasabing ospital. Bukod pa rito, inilunsad na rin ang ika-144 na Malasakit Center sa Marinduque Provincial Hospital sa Boac kung saan nagdala rin tayo ng tulong sa mahigit 350 frontliners at mga mahihirap na pasyente ng ospital.
Kahit magiging kandidato tayo sa pagka-Bise Presidente sa susunod na halalan, tinitiyak na hindi tayo titigil magserbisyo sa inyong lahat bilang lingkod-bayan na inyong malalapitan anumang oras o panahon. Ipinapangako nating patuloy ninyong magiging tulay upang mapakinggan ang inyong hinaing, masolusyunan ang inyong mga problema, at maitawid kayo tungo sa mas komportable at maginhawang buhay.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments