Search
  • BULGAR

MGCQ sa buong bansa napapanahon na

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | February 22, 2021



Sa susunod na Lunes ay buwan na ng Marso at napakabilis ng mga pangyayari dahil parang kailan lang nang ibaba ng pamahalaan ang community quarantine at isang taon na pala itong ipinatutupad sa buong bansa.


Sinikap ng pamahalaan na mapababa ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19, may gumaling at hindi maiiwasang may masawi na naging dahilan para magpabago-bago ang antas ng community quarantine na iisa lang naman ang naging bunga--ang kawalan ng trabaho at pagbagsak ng ekonomiya.


Noong Biyernes ay inanunsiyo ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang rekomendasyon nito na ilagay sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang buong bansa sa pagpasok ng Marso.


Nabatid na liban sa anim na lugar, ang nalalabing bahagi ng bansa ay isinailalim na sa MGCQ simula pa nitong pagpasok ng Pebrero at ang natitirang mga lugar na kasalukuyang nasa General Community Quarantine (GCQ) ay ang Cordillera Administrative Region; Metro Manila; Batangas; Tacloban City; Davao City; Davao del Norte; Lanao del Sur at Iligan City.


Matapos ang talakayan at pag-aaral ay nabuo ang rekomendasyon ng mga alkalde sa Metro Manila na dapat ay hindi lamang ang kanilang nasasakupan ang isailalim sa MGCQ kung hindi ang kabuuan na ng bansa.


Kasunod nito ay buo ang pag-asa ng naturang mga alkalde na ang kanilang rekomendasyon ay hindi bibiguin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa susunod na linggo.


Sa matapang na hakbanging ito ay kaisa tayo ng IATF-EID na umaasa sa positibong desisyon ng ating Pangulo na kung hindi pa natin sisimulan ay tila mas mababaon tayo sa napakahirap na sitwasyon.


Tutal ilang sandali na lamang ay mabibigyan na ng bakuna ang marami sa ating mga kababayan kaya napapanahon na para subukan ang isang malaking hakbang ng pagbabago tungo sa ikauunlad ng bansa.


Kung tutuusin ay hindi naman nagkulang ang pamahalaan at lahat ng tamang pag-iingat ay naituro na sa bawat isa kaya naniniwala akong handang-handa na ang ating mga kababayan para simulang makabangon sa ating mga nawalang kabuhayan.


Ito na rin ngayon ang pagkakataon para patunayan ng ating mga kababayan na maging responsable at gawin ang kani-kanyang ambag para patunayang kaya na nating ipanalo ang laban sa pandemyang ito.


Wala namang sikreto para magtagumpay maliban sa pagsusuot ng facemask, face shield, physical distancing at regular na paghuhugas ng mga kamay para hindi na lumaganap pa ang COVID-19.


Sa mga kababayan nating gustung-gusto nang maghanapbuhay, sa mga matagal nang dumaraing sa hirap, sa mga mag-aaral na nais nang magbalik sa face to face classes ay ito na ang pinakahihintay nating pagkakataon.


Ipakita lang natin na sa isang buong taong singkad na lumipas habang nasa ilalim tayo ng community quarantine ay natuto tayong mag-ingat at huwag nating sayangin ang haba ng panahon na ating ipinagtiis habang unti-unting binubuksan ng pamahalaan ang ekonomiya, industriya, transportasyon, at mga hanapbuhay.


Huwag din tayong malito na porke nasa mas maluwag na MGCQ na ang buong bansa ay tapos na ang pandemya dahil ito lamang ang simula na susubukin ang ating katatagan at husay bilang Pilipino.


Ngayong alam na nating mag-ingat laban sa COVID-19 ay hindi na tayo papayag na basta na lamang nakayuko at nakasangga sa isang gilid at hinahayaang gulpihin ng pandemyang ito—dahil panahon na para lumaban, maghanapbuhay upang umusad ang ekonomiya ng bansa.


Huwag namang mangyari na mabigo ang pagtatangka nating ito ay madali na sa lahat ang magbalik sa mas mahigpit na quarantine dahil sanay na rin naman tayo, ang nakalulungkot ay ang manatili ang takot at hindi na tayo magtangkang sumubok na makakawala sa pandemyang ito.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.