Mga susuway sa SC, puwede raw ma-contempt, justices posible namang i-impeach?!
- BULGAR

- Aug 3, 2025
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 3, 2025

PATUNGO SA CONSTITUTIONAL CRISIS ANG ISYUNG IKU-CONTEMPT ANG MGA SUSUWAY SA UTOS NG SC, AT PUWEDE RIN DAW I-IMPEACH ANG SC JUSTICES -- Sabi ni Sen. Migz Zubiri ay puwede raw i-contempt ng Supreme Court (SC) ang mga susuway sa kautusan nila tungkol sa desisyon na stop na ang impeachment proceedings kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio. Ayon naman kay ML Partylist Rep. Leila De Lima ay puwede raw sampahan ng kasong impeachment ang mga mahistrado ng SC na nanghimasok at pumigil sa mandato ng Kongreso na magsagawa ng paglilitis sa isang impeachable officer dahil co-equal o magkahiwalay daw ang kapangyarihan ng Korte Suprema at Senado at Kamara.
Naku po, tila nga yata may napipinto nang constitutional crisis sa ‘Pinas, boom!
XXX
KUNG MAY HIYA SA SARILI SI SEC. BONOAN, DAPAT IPASA NIYA SA COA ANG IMBESTIGASYON SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM -- Binutata ni Kabataan Partylist Rep. Atty. Renee Co ang inanunsyo ni Sec. Manuel Bonoan ng Dept. of Public Works and Highways (DPWH) na imbestigahan ang mga anomalya sa flood control projects, dahil ayon sa congresswoman ay kasama sa problema ang DPWH, sa naganap na katiwalian umano rito, kaya’t hindi raw katanggap-tanggap na DPWH din mismo ang mag-iimbestiga sa sarili nila, na aniya, dapat ang gumawa ng pagsisiyasat dito ay ang Commission on Audit (COA).
Kaya kung may hiya pang natitira sa kanyang sarili si Sec. Bonoan ay dapat ipasa na niya agad sa COA ang imbestigasyon sa sinasabing katiwalian sa flood control projects, period!
XXX
PARA MAHUBARAN NG MASKARA ANG MGA ‘BUWAYANG’ DPWH OFFICIAL, SENATORS AT CONGRESSMEN, DAPAT BUMUO SI PBBM NG FACT FINDING COMMISSION NA MAG-IIMBESTIGA SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM -- Kung seryoso si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na mapanagot ang mga tinutukoy niya sa kanyang State of the Nation Address (SONA) sa statement niyang, “Mahiya naman kayo sa mga kapwa n’yo Pilipino”, patungkol sa mga nambulsa sa pondo ng flood control projects ay dapat bumuo siya ng isang ‘fact finding commission’ na tututok sa imbestigasyon dito. At ang dapat na italaga niyang mag-iimbestiga sa anomalyang ito ay mga respetadong tao na walang bahid ng corruption ang pagkatao.
Kapag nagsanib sa imbestigasyon ang COA at fact finding commission, bukod sa mga ‘buwaya’ sa DPWH, ay tiyak mahuhubaran din ng maskara na kasangkot sa anomalya sa flood control project scam ang mga “honorabol” na mga corrupt na senador at kongresista, boom!
XXX
MALAPIT NANG MAKAMIT NG ‘MISSING SABUNGEROS’ ANG HUSTISYA, KINASUHAN NA SINA ATONG ANG, GRETCHEN BARRETTO AT IBA PA -- Sinampahan na ng mga pamilya ng ‘missing sabungeros’ ng multiple murder, illegal detention at paglabag sa International Human Rights Law sa Dept. of Justice (DOJ) sina Atong Ang, actress Gretchen Barretto at iba pang dawit sa karumal-dumal na krimeng ito.
Dahil diyan ay nakikita na ng taumbayan na malapit nang makamit ng ‘missing sabungeros’ ang hustisya, boom!







Comments