top of page
WINNER - SEN. ROBIN, IPINAGDIINANG DDS SI JOSHUA-FB Robin Padilla.jpg

Mga sitwasyon na pinapayagan ang Separation of Property Regime

  • BULGAR
  • Mar 26, 2022
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | March 27, 2022


Kung mayroong conjugal partnership of gains at absolute community property regime, mayroon din namang tinatawag na regime of separation of property bilang property relations ng mag-asawa.


Ang ganitong uri ng property relation ng mag-asawa ay nangyayari sa pagkakataong ito ang napagkasunduan nila sa kanilang marriage settlement na magiging property relations nila.


Kapag hindi nila ito napagkasunduan, ang paghihiwalay ng mga ari-arian ng mag-asawa habang sila ay kasal pa ay maaari lamang mabigyan ng katuparan kapag mayroong utos ang husgado. Ito ay sapagkat ang pamilya bilang pangunahing pundasyon ng lipunan ay isang pinagmulang institusyon kung saan pinoprotektahan at pinangangalagaan ng publiko.


Kaugnay nito, ang relasyon ng pamilya ay pinamamahalaan ng batas at walang nakasanayang kaugalian o kasunduan na maaaring sumira sa pamilya ang kikilalanin o bibigyan ng halaga.


Upang pangalagaan ng batas ang pamilya bilang isang institusyon, ang separation of property regime ay pinapayagan lamang ng husgado sa mga sumusunod na sitwasyon:

  1. Ang asawa ng humihingi ng petisyon ay nadeklara ng husgado na “absentee”;

  2. Ang asawa ng nagpetisyon ay nagawaran ng sentensiya na kasama rito ang civil interdiction;

  3. Ang asawa ng nagpetisyon ay nawalan ng parental authority sa pamamagitan ng utos ng husgado;

  4. Kapag ang nagpetisyon ay iniwan ng kanyang asawa at hindi na niya natupad ang kanyang obligasyon sa kanyang asawa at pamilya;

  5. Kapag ang asawa ng nabigyan ng kapangyarihan para pamahalaan ang mga ari-arian sa marriage settlement ay nang-abuso ng kanyang kapangyarihan;

  6. Kapag ang mag-asawa ay naghiwalay na ng mahigit isang taon at ang posibilidad na sila ay magkasundo ay hindi na mangyayari.

Sa ganitong uri ng property relations ng mag-asawa, ang bawat isa sa kanila ay maaaring bumili ng mga ari-arian gamit ang kani-kanilang sariling pera. Maaari rin naman na sila ay magbenta, pamahalaan at gamitin ang kanilang sariling mga ari-arian kahit na walang pahintulot ang kanilang mga asawa. Ang kanilang mga kita mula sa kanilang propesyon, negosyo o industriya maging ang mga produkto o bunga (civil, natural o industrial) ng kanilang mga ari-arian ay sa kanila mapupunta. Hindi sila nanghihimasok sa desisyon ng bawat isa pagdating sa pangangalaga at paggamit ng kanilang mga ari-arian maliban lamang sa paghahatian nila ang gastusin ng pamilya ayon sa proporsyon ng kanilang kita o sa market value ng kanilang mga hiwalay na ari-arian. Subalit ang mga pinagkakautangan ng pamilya para sa kanilang mga gastusin ay babayaran ng sinuman sa mag-asawa.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page